Agad ipinag-utos ni Manila Police District (MPD) Director Police Supt. Joel Coronel ang pagsibak sa pitong pulis na inakusahan ng pangingikil ng mga vendor sa Ermita, Maynila.

Ito ay matapos magsumbong ang mga tindero at tindera na nag-rally kahapon ng umaga sa harap ng MPD headquarters sa United Nations Avenue.

Ayon kay Coronel, maaari ring sampahan ng kasong kriminal at administratibo ang mga inireklamong pulis na sina SPO2 Marvin Velasquez, SPO2 Rommel Alfaro, PO3 Leo de Jose, PO3 John David, PO2 Romeo Rosini, PO1 Ronie Boy Alonzo at PO1 James Paul Cruz, pawang nakatalaga sa MPD-Station 5 (Ermita).

“Pina-relieve po sila presently from their station and we asked them to report within 24 hours to the District Headquarters para sagutin ‘yung complaints laban sa kanila,” ayon kay Coronel.

National

Amihan, easterlies, nakaaapekto sa bansa – PAGASA

“They will be held liable administratively and criminally for extortion activities and grave misconduct. Dismissal kung gross misconduct ang mapapatunayan.”

Base sa reklamo ng mga vendor, hinihingan umano sila ng mga pulis ng P200 kada araw kaya kakarampot na lamang ang natitira sa kanilang kita.

“Kaya nakarating kami rito ay dahil hindi na namin matiis ‘yung pang-aapi nila. Kami ay naghahanap-buhay nang marangal, bakit nila kami tinatrato ng ganito?,” pahayag ng isa sa mga biktima.

“Kung magkano ang hilingin nila, gusto nila ibigay namin. ‘Pag ‘di kami makabigay, kukunin nila ang paninda namin tapos tutubusin namin,” dagdag pa niya. “Alam ko delikado ang ginagawa ko pero ano ang gagawin namin, hanggang ngayon, binabantayan kami, para kaming kriminal!” dagdag pa ng biktima.

Tiniyak naman ni Coronel ang kaligtasan ng mga nagreklamong vendor.

“This is why I already ordered the policemen’s immediate relief kasi it’s part of the preventive measures.

Considering the seriousness of the accusations, iniiwasan natin na harassin pa sila, balikan sila,” paliwanag ni Coronel. (MARY ANN SANTIAGO)