PSC funding sa SEAG athletes, walang patlang —Ramirez.
WALANG maiiwan at maiipit na atleta.
Ito ang paninindigan ni Philippine Sports Commission (PSC) sa gitna na nabubuuong hidwaan sa liderato ng Philippine Olympic Committee (POC) bunsod ng bagong panuntunan ng pamahalaan.
Sa kanyang mensahe sa mga sports community sa Cebu City bilang bago ng isinusulong na ‘Sports Caravan’ para maisulong ang Philippine Sports Institute (PSI), sinabi ni Ramirez na tuloy ang suporta ng ahensiya sa lahat ng pangangailangan ng atleta, higit yaong mga kandidato at nagsasanay na para sa 29th Southeast Asian Games sa Agosto 19-31 sa Kuala Lumpur, Malaysia.
“Keep your focus on training and competition, on bringing honor to the country. We will continue to support you,” pahayag ni Ramirez.
“Huwag ninyong pansinin ang mga isyu na nagaganap, bahagi ito ng demokratikong proseso. Kayo bilang atleta, gawin ninyo ang responsibilidad ninyo na magbigay ng karangalan sa bayan. At huwag maging pasaway,” aniya.
Iginiit ni Ramirez na hindi maiipit ang mga atleta sa kabila ng patuloy na negatibong ugnayan ng ahensiya sa Olympic body.
“Itong isyu sa mga lider, bahagi ito ng trabaho naming. Hindi naman naming mapipilit ang POC na yakapin ang aming policy pero may responsibilidad sila na tugunan yung pagkukulang nila dahil pera ng taong-bayan ang nakataya rito,” pahayag ni Ramirez.
Nag-ugat ang malamig na ugnayan ng dalawang sports body nang isulong ng PSC ang ‘no liquidation, no financial assistance’, gayundin ang ‘visitorial power’ ng ahensiya sa mga national sports association.
Hindi ito naibigan ni POC president Jose ‘Peping’ Cojuangco at ang bangayan ay umabot sa personal nang akusahan ng four termer POC chief si PSC commissioner Ramon ‘El Presidente’ Fernandez ng ‘game-fixing’ nang kapanahunan niya sa PBA.
Inaasahang aabot sa legal court ang usapin dahil sa planong pagsampa ng kasong libel ni Fernandez laban kay Cojuangco.
Sa kabila nito, iginiit ni Ramirez na walang dahilan para matigil ang paghahanda sa SEA Games.
Sinabi ni RP chief of mission Cynthia Carrion na mataas ang morale ng mga atleta, higit at target ng delegasyon na malagpasan ang 29 gintong medalya na napagwagihan sa Singapore may dalawang taon na ang nakalilipas.
“Some of our national players are already training in abroad. Our Fil-Am players are ready and expected to reach their peak in time for the SEA Games. Everything is in place and the PSC’s support is there,” pahayag ni Carrion.
Sinabi ni Ramirez na personal na rin niyang kinausap ang mga lider at coach ng mga NSA hingil sa sitwasyon.
“Let us not be taken aside by these peripheral issues. Our focus should be on the SEAG and the other major competition where our flag will be carried,’ aniya. (Edwin G. Rollon)