OUR LADY2

BAGAMAT hindi pa nga lumilipas ang dalawang buwan simula nang manalanta sa Camarines Sur ang bagyong ‘Nina’, na dumaan ang mismong mata sa Rinconada District na nakasasakop sa Iriga City, itinuloy pa rin ng siyudad ang pagdiriwang ng Tinagba Festival ngayong taon.

“Sinira ng Nina ang mga pananim at maraming bahay na winasak pero malaki pa rin ang dapat nating ipagpasalamat dahil buhay pa rin tayong lahat,” sabi ni Iriga Mayor Madelaine Yorobe Alfelor. “Walang ni isa mang kinuhang Bicolano ang bagyo.”

Ang Tinagba Festival ay katangi-tanging pagdiriwang ng pasasalamat sa mga biyayang kaloob ng Diyos. Hinalaw ito sa kaugaliang “tagba” ng mga naunang Bicolano, ang pag-aalay kay Gugurang o Kagurangnan (sinaunang Diyos ng mga Bicolano) ng pinakauna at pinakamagandang ani.

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Bakit may 'Epiphany' o Araw ng Tatlong Hari?

Noong mga unang Tinagba Festival, inaani ng mga Irigueño ang pinakamagagandang bunga o lamang-ugat ng kanilang mga pananim, iniipon ito ng magkakabarangay, isinasakay sa mga kariton na hinihila ng mga kalabaw at baka, at saka ipinaparada sa centro. May palighasan at may premyo sa pinakamalalaking ani.

Ngayon, hindi lamang sa kariton ikinakarga ang mga produktong bukid kundi maging sa ‘padyak’, traysikel, dyip o trak, at iba pang mga sasakyan. Sa dulo ng parada, ibinababa ang mga ani sa may paanan ng Our Lady of Lourdes Grotto, na isa na sa mga landmark at tourism spot sa Iriga. Sa pamamahala ng mga taong-simbahan, ipinamamahagi ang mga ito sa mga kapuspalad.

Ngayong bagong milenyo, isinasabay sa Tinagba Festival ang paligsahan ng streetdance ng iba’t ibang paaralan at may malalaking cash prizes ang mga nananalo.

Ang mga nanalo sa Festival Showdown/Exhibition ngayong taon ay ang Zeferino Arroyo High School (first prize), San Antonio High School (2nd place), at Iriga Central School (third place).

Best in Costume rin ang Zeferino Arroyo High School at Best in Moving Choreography ang Iriga Central School.

Tinanghal na Most Disciplined Barangay ang San Juan, Most Cooperative Barangay ang Cluster 4 Mountain Unit, at Most Participated Group Department of Education.

Ngayong taon ay sumali rin sa parada ng Tinagba Festival ang mga mag-aaral ng St. Scholastica’s College Manila, ang unang batch ng mga estudyante mula sa National Capital Region na may immersion program sa bagong Iriga City Organic Agricultural Learning Farm, ang anim na ektaryang agro-eco tourism site ng siyudad.

(Mga larawang kuha ni ARIEL M. REYES) (DINDO M. BALARES)

[gallery ids="230715,230711,230710,230709"]