HINDI estranghero sa one-on-one duel sa hard court si PBA living legend Ramon ‘El Presidente’ Fernandez. Ngunit, sa legal court, ngayong pa lamang malalaman ang kakayahan ng dating four-time MVP.
Napipintong umabot sa korte ang iringan nina Fernandez, isa sa apat na commissioner ng Philippine Sports Commission (PSC), at Philippine Olympic Committee (POC) president Jose ‘Peping’ Cojuangco, matapos mauwi sa personalan ang usapin hingil sa isyu ng ‘unliquidation’ ng Olympic body, gayundin ang ‘visitorial power’ ng ahensiya sa mga national sports associations (NSAs).
Sa kanyang pagdating sa bansa mula sa ilang araw na ‘official trip’ sa Japan, kaagad na nakipagkita si Fernandez kay dating athletics chief Go Teng Kok.
Ayon sa source na may direktang kinalaman sa pagpupulong, nagbigay umano ng suporta si GTK sa layunin ni Fernandez na ma-expose ang lahat na itinatagong ‘baho’ ng Olympic body, higit sa isyu ng ‘unliquidated funding’.
‘Immediately, meeting kay GTK ang inasikaso ni Com. Mon. May mga document daw na ibibigay si Sir,” sambit ng source.
Hindi estranghero ang ugnayan ni GTK kay Fernandez dahil ilang ulit na naging team manager ang pamosong athletics chief sa Philippine Team na kinabibilangan ni ‘El Presidente’ kabilang na ang 1990 Asian Games sa Beijing kung saan nagwagi ang Pinoy ng silver medal.
Naging special assistant to the POC President si GTK bago nagkalamat ang ugnayan kay Cojuangco at tuluyang nawasak ang samahan nang pangunahan ng una ang ‘pesona non grata’ sa dating Executive of the Year.
“Maraming dokumento na hawak si Com. Mon pero iba pa rin yung mga galing kay GTK dahil tiyak mabigat ang mga yun dahil kasama siya sa POC noon,” sambit ng source.
Hindi pa man nakakauwi, malinaw na aabot sa legal court ang isyu nang ilabas ni Fernandez sa social media post ang milyon-milyon na ‘cash funding’ ng PSC sa POC na magpahanggang ngayon ay hindi pa nail-liquidate ng Olympic body.
Kasama ang mga gastusin ng NSAs na nasa pangangasiwa ng POC, umabot sa kabuuang P100 milyon ang utang na dapat bayaran ni Cojuangco sa pamahalaan.
Umabot sa hangganan ang iringan nang ipahayag ni Cojuangco na walang ‘moral ascendancy’ si Fernandez sa mga atleta dahil isa siyang ‘game-fixer’ nang panahon niya sa PBA. Iginiit ni Cojuangco na may dokumento siyang pinanghahawakan para patunayan ang pagkakasangkot ni Fernandez sa point-shaving at game-fixing.
Bilang ganti, kinuwestyon ni Fernandez na ang pagbili umano ng POC na kitchen equipment na nagkakahalag ng P1.5 milyon para gamitin ng mga atleta sa ‘Dining Hall’ na pinatatakbo ng PSC.
“Why did Peping buy P1.5M worth of kitchen equipments? Who operated the athlete’s dining hall in dorm J at the PhilSports Complex?” pahayag ni Fernandez.
Maging ang may-bahay ni Mon na si Karla ay humirit din laban kay Cojuangco.
“The more you do that to Mon, the more you are fueling up his passion to fight for our athletes and to fight for Philippine sports! LET’s GET IT ON!,” pahayag ni Kintanar-Fernandez sa kanyang FB account na may hashtag #StopCorruptionInSports.” (Edwin G. Rollon)