POC, etsa-puwera sa 29th SEA Games ‘Baton Run’; Malaysia asam ang titulo.
KUNG nagpaplano ang Team Philippines na makasingit sa overall championship sa 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur sa darating na Agosto – pasintabi muna.
Ayon kay Kumaran Nadaraja, Principal Assistant Secretary ng Ministry of Youth and Sports Malaysia, matindi ang paghahanda ng host team para masiguro na makamit muli ang overall championship sa kauna-unahang pagkakataon mula noong 2001.
“The SEA Games hosting this year coincides the Malaysians celebration of its 60th Merdeka Day (Independence Day) so it’s a great honor and celebration for the our people if Malaysia win the SEA Games this year,” pahayag ni Nadaraja sa media briefing kahapon para sa SEAG Baton Run na gaganapin bukas simula sa Malacanang at magtatapos sa CCP ground sa Manila.
“I’m sure all teams are hoping to win the title that’s why we prepared our athletes to be competitive, particularly in the sports which we really not so strong,” aniya.
Target din ng Malaysia na muling maging kampeon na huli nilang natikman may 16 na taon na ang nakalilipas nang makamit nila ang kauna-unahang overall championship sa regional meet.
Iginiit ni Nadaraja na itinuon nila sa 10 sports ang paghahanda para masiguro ang tagumpay sa SEA Games. Ang mga ito ay football, badminton, pencat silat, karate, sepak takraw, cycling, swimming, athletics, squash at petanque.
“The last time we host the Games we won the overall championship. Hopefully, it’s happen again this year,” aniya.
Gumastos ang pamahalaan ng Malaysia ng mahigit RM600 milyon para sa pagsasanay ng mga atleta at pagsasaayos ng mga venue sa Bukit Jalil, gayundin sa karatig lalawigan ng Langkawi.
Nakiisa sa programa sina Philippine Sports Commission (PSC) Executive Director Atty. Carlo Abarquez at Chairman’s Office Chief of Staff Ronnel Abrenica na kapwa nagbigay ng kanilang saloobin sa isinusulong na programa ng ahensiya para masigurong handa at kompetitibo ang atletang Pinoy sa pagsabak sa SEA Games.
“Kung ano ang kailangan ng atleta batay sa rekomendasyon ng POC-PSC SEAG Task Force, kaagad naming inaaksyunan,” pahayag ni Abarquez.
Iginiit naman ni Abrenica na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng PSC kay PH Philippine Chief of Mission Cythia Carrion ng gymnastics hingil sa update at development sa paghahanda ng mga atletang Pinoy.
“The Task Force already decided the criteria to be used in the selection of the athletes. Lahat ng request, particularly sa needs ng mga atleta, kaagad namang inaaksyunan ni Chairman (Ramirez),” sambit ni Abrenica.
Hindi naman inamin o itinanggi ni Abrenica ang tila kawalan ng partisipasyon ng Philippine Olympic Committee (POC) sa ‘Baton Run’ na bahagi sa paghahanda at pagsusulong ng SEAG Games sa rehiyon ngayong taon.
“Nakipag-coordinate kami with the POC and the NSA regarding sa participation ng mga atleta sa Baton Run, but for the program, it’s a government to government activity,” pahayag ni Abrenica.
Bukas na libro ang iringan ng PSC at POC mula nang maghigpit ang pamahalaan sa pagbibigay ng financial assistance bunsod ng kabiguan ng NSA at maging ng POC na ma-liquidate ang mga nakuhang pera sa PSC sa nakalipas na taon na umabot na sa mahigit P100 milyon.
Umabot sa personalan ang iringan ng magkabilang panig ng akusahan ni POC president Jose ‘Peping’ Cojuangco ang PSC ng pakikialam sa gawain ng Olympic body hingil sa paghahanda ng mga atleta, gayundin nang paratangan niya si PSC Commissioner Ramon Fernandez na walang ‘moral accendancy’ sa mga atleta dahil sa pagiging game-fixer nang panahon niya sa PBA. (Edwin G. Rollon)