SINO ang hindi hahanga kay Rovi Mairel Valino Martinez, ang babaeng kadete na magtatapos sa Philippine Military Academy (PMA) sa taong ito bilang isang valedictorian? Pinangungunahan niya ang Top 10 na binubuo ng 8 babae at dalawang lalaki. Sa 167 graduates, 63 ang babae, ang pinakamalaking bilang simula noong 1993 nang unang tumanggap ang PMA ng kababaihan.

Totoong maigting ang aking pagsaludo kay Martinez, hindi lamang dahil sa siya ay isang kapwa Novo Ecijano kundi dahil sa kanyang pangunguna sa isang akademya na pinaghaharian, wika nga, ng kalalakihan. Bagamat ang PMA, gayundin ang Philippine National Police (PNP) ay mistulang nilusob na ngayon ng kababaihan, ang male cadet image ay nananatili pa ring nakakapit sa nabanggit na mga institusyon.

Karaniwan nang nasasaksihan natin ngayon ang mga nagtapos na babaeng kadete bilang mga opisyal ng PNP at ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Nakatalaga sila sa iba’t ibang unit ng AFP, tulad ng Navy, Army at Air Force; at sa iba’t ibang regional offices ng PNP.

Ang aking pagpupugay kay Martinez at sa lahat ng babaeng opisyal ng AFP at PNP ay kasing-alab din ng aking pagpapahalaga sa kababaihan na nagpapamalas ng kahusayan sa iba’t ibang larangan ng pakikipagsapalaran.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sino naman ang hindi hahanga kay Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, ang unang babae na itinalaga sa naturang tungkulin. Hindi lamang siya ang babaeng Mahistrado rin ng Kataas-taasang Hukuman. Naririyan din si Ombudsman Conchita Carpio Morales na walang sinisino sa pagtimbang ng mga batas at regulasyon na dapat ipatupad ng Office of the Ombudsman.

Ang ating Lehislatura ay binubuo rin ng mga babaeng Senador at Kongresista na nagpapamalas din ng pambihirang kakayahan sa pagbalangkas ng mga batas. Maging ang ehekutibo ay kinabibilangan din ng lady executives na natatangi ang pagtupad sa mga tungkulin.

Hindi natin maaaring maliitin ang makatuturang tungkuling ginampanan ng ating kababaihang maituturing na tagapagtanggol ng ating kasarinlan laban sa mga dayuhang mananakop. Paano natin malilimutan ang kabayanihan ni Melchora Aquino na lalong kilala bilang Tandang Sora. Pinuhunan niya ang kanyang buhay at mga ari-arian sa pagtulong sa mga katipunero. Gayundin si Gabriela Silang at marami pang iba.

Sa ipinamalas na kahusayan, katalinuhan at kagitingan ng kababaihan, maliwanag na nalamangan nila ang maraming lalaki sa iba’t ibang larangan ng pakikipagsapalaran. Dapat lamang nating asahan na sila ay manatiling matapat at walang bahid ng mga pag-aalinlangan sa kanilang paglilingkod. (Celo Lagmay)