Malaki ang tsansang ma-by-pass ang kumpirmasyon kay Regina Paz “Gina’’ Lopez bilang Department of Environment and Natural Resources (DENR) secretary kapag sumailalim ang Commission on Appointments (CA) sa anim na linggong pahinga na magsisimula sa Marso 17.
Ito ang naging pahayag kahapon ni Sen. Emmanuel Pacquiao, chairman ng CA environment and natural resources committee, sa pagtukoy kung angkop ba sa nasabing posisyon si Lopez.
Ayon kay Pacquiao, dalawa lamang sa 21 nagsumite ng written opposition sa pagkakaluklok kay Lopez ang naisalang sa komite kahapon.
Bukas ay bibiyahe pa si Lopez patungong Amerika.
Tatlong araw na lamang ang natitira para sa Senado at Kamara bago humarap ang CA sa plenary session sa Miyerkules.
Nang tanungin ng mga mamamahayag kung may oras pang umaksiyon ang CA sa kumpirmasyon kay Lopez bago ito magpahinga, sinabi ni Pacquiao na, “I don’t think we can finish before the break.’’
“Bypassed? siguro ganoon na nga kung maabutan ng break,’’ ani Pacquiao. (Mario B. Casayuran)