Mga laro ngayon

(San Juan Arena)

8 n.u. -- UP vs La Salle (m)

10 n.u. -- Ateneo vs FEU (m)

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

2 n.h. -- NU vs Adamson (w)

4 n.h. -- La Salle vs FEU (w)

MAKABANGON mula sa kabiguan na nalasap nila sa kamay ng archrival Ateneo sa pagtatapos ng first round ang tatangkain ng defending women’s champion De La Salle sa pagsisimula ngayon ng second round ng UAAP Season 79 volleyball tournament sa San Juan Arena.

Makakatunggali ng Lady Spikers sa tampok na laro sa 4:00 ng hapon ang Far Eastern University Lady Tamaraws na tulad nila ay hangad ding makabawi mula sa kabiguang natamo sa kamay ng University of Santo Tomas Tigresses sa huling laro sa first round.

Mauuna rito, magtutuos ganap na 2:00 ng hapon ang National University at bokya pa ring Adamson.

“Kailangan mag-focus talaga sila sa laro. ‘Yun pa isang problema namin nawawala yung focus nila, dun nagsisimula na mag commit sila ng errors,” pahayag ni NU coach Roger Gorayeb.

Maghaharap sa unang laban ang University of the Philippines(3-4) at ang La Salle (2-5) ganap na 8:00 ng umaga na susundan ng tapatan ng defending champion Ateneo at FEU ganap na 10:00 ng umaga sa men’s class.

Hangad ng Lady Tamaraws at Lady Bulldogs na umangat mula sa kinalalagyang four-way tie sa ikatlong posisyon kapantay ng UST at ng UP.

Ikawalong dikit na panalo naman ang target ng Blue Eagles matapos nilang walisin ang unang round laban sa Tamaraws (5-2) na hangad namang mapatatag ang kapit sa ikatlong puwesto. (Marivic Awitan)