Dali-daling pinosasan ng pulis ang isang kargador na nahuli sa aktong bumabatak sa loob ng banyo ng bus terminal sa Caloocan City, nitong Lunes ng hapon.
Sa report kay Police Supt. Ferdie del Rosario, tagapagsalita ng Caloocan Police Station, paglabag sa anti-illegal drug act ang kasong kinakaharap ni Alfredo Ramos, 42, stay-in porter sa bus terminal sa Monumento ng nasabing lungsod.
Ayon kay PO2 Predencio Raras, nakatalaga sa Caloocan Police, bandang 5:00 ng hapon ay dumiretso siya sa banyo upang umihi.
Napansin niyang nakasarado ang isa sa mga pinto at naulinigang may nagsisindi ng lighter.
“Mahaba ‘yung sindi ng lighter at mukhang hindi naman sigarilyo ang sinindihan kasi wala akong usok na nakita,” ayon kay Raras.
Dahil dito, pinuntahan umano niya ang pamunuan ng bus terminal para magpaalam na gigibain niya ang pintuan ng banyo upang malaman kung ano ang nangyayari sa loob.
Matapos pagsisipain ni Raras ang pintuan, tumambad si Ramos na patuloy sa pagbatak ng shabu.
Narekober sa suspek ang aluminium foil, lighter at isang maliit na plastic sachet ng shabu. (Orly L. Barcala)