Kent Bazemore,Stephen Curry

Kahit wala si Durant, back-to-back sa Warriors.

ATLANTA (AP) – Balik sa winning streak ang Golden State Warriors sa kabila ng pananatili sa bench ng kanilang leading scorer na si Kevin Durant.

Malamya ang simula ng Warriors bago nakuha ang tamang kondisyon sa third period tungo sa 119-111 panalo kontra Atlanta Hawks nitong Lunes (Martes sa Manila) para sa ikalawang sunod na panalo matapos sumadsad sa back-to-back nang ma-injury si Durant.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Kumawala sa depensa ng Hawks si ‘Sixth Man’ Andree Iguodala para pantayan ang 24 puntos ni Stephen Curry para sa ika-52 panalo sa 63 laro ng Golden States at patatagin ang kapit sa No.1 sa Western Conference.

Nalimitahan si Curry sa 8-for-20, kabilang ang 6-of-15 sa three-point shot, habang nakaiskor lang ng 13 puntos si Klay Thompson sa 5-for-12.

Umarya ang Hawks sa 15 puntos, 52-37, subalit nakabangon ang Warriors sa second half at tuluyang naagaw ang bentahe sa 72-70 mula sa three-pointer ni Curry.

Nanguna si Dennis Scroder sa naiskor na 23 puntos para sa Atlanta, natamo ang ikalawang sunod na kabiguan at ika-29 sa kabuuan sa 63 laban.

SPURS 112, ROCKETS 110

Sa AT&T Center sa Texas, naungusan ni Kawhi Leonard ang karibal na si James Harden sa head-to-head duel sa final period, para sandigan ang San Antonio Spurs sa makapigil-hiningang panalo kontra sa Houston Rockets.

Kapwa tumapos sina Leonard at Harden na may 39 puntos, ngunit naungusan ng Spurs All-star forward ang Rockets gunner, 17-4, sa final period at kumuha nang krusyal na block sa krusyal na sandali para selyuhan ang panalo ng Spurs.

Naghabol ang San Antonio sa Houston, 39-23, matapos ang first period at nagkukumahog sa 13 puntos sa kalagitnaan ng third period bago sumambulat ang opensa ng Spurs sa dominanteng 17-2 run para agawin ang kalamangan.

Bumawi ang Rockets sa matibay na 16-5 blitz sa pagsisimula ng fourth quarter para muling umabante sa 104-98 patungo sa huling apat na minuto. Sa krusyal na sandali, sumandig ang Spurs kay Leonard sa naiskor na pitong sunod na puntos.

Nag-ambag si Tony Parker ng 19 puntos, habang umiskor si LaMarcus Aldridge ng 15 puntos at hilahin ang winning streak ng Spurs sa walong laro at kabuuang 49-13 karta.

Kumabig si Trevor Ariza ng 13 puntos sa Rockets (44-20), habang kumamada sina Eric Gordon at Clint Capela ng tig-12 puntos.

HORNETS 100, PACERS 88

Sa Charlotte, nagdiwang ang home crowd nang pabagsakin ng host team Hornets ang Indiana Pacers.

Hataw si Kemba Walker sa natipang 28 puntos, habang umiskor si Nicolas Batum ng 21 puntos sa 10-of-22 shooting para sa ika-28 panalo ng Charlotte na nakikipag-agawan para sa ikawalong puwesto sa Toronto Raptors para sa playoff sa Eastern Conference.

Nanguna sa Pacers si Paul George na may 36 puntos at 10 rebound at bumagsak sa 32-31.

JAZZ 88, PELICANS 83

Sa Vivint Smart Home Arena, inagaw ni Rudy Gobert ang atensiyon mula sa mas pamosong karibal na sina Anthony Davis at DeMarcus Cousins para gabayan ang Utah Jazz kontra New Orleans Pelicans.

Umabante ang Jazz sa 18 puntos sa first half at nalimitahan ang Pelicans sa season-low 34 puntos at field goal made (11) bago ang halftime break. Nagpatuloy ang dominasyon ng Jazz sa second half bago sumambulat ang opensa ni Davis at maidikit ang iskor sa 71-75 may 4:33 sa laro.

Nanguna si Gordon Hayward sa Utah sa nasalansan na 23 puntos, habang tumipa si Gobert ng 15 marker at 15 rebound.

Kumabig si Davis ng 20 puntos at 12 rebound para sa New Orleans (25-39), habang nalimitahan si Cousins sa 15 puntos.

PISTONS 109, BULLS 95

Sa Detroit, ginapi ng Pistons, sa pangunguna ni Reggie Jackson na umiskor ng 24 puntos, ang kulang sa player na Chicago Bulls.

Naitala ng Pistons ang ikalawang sunod na panalo para sa kabuuang 31 sa 63 laro, habang kumana si Jon Leuer ng 16 puntos.

Hindi nakalaro sa Bulls sina star guard Dwyane Wade at Rajon Rondo, at pinasan ni Jimmy Butler ang koponan sa naiskor na 27 puntos at humugot si Robin Lopez ng 18 puntos.