Habang isinusulat ang balitang ito ay nasa kritikal na kondisyon ang isang tricycle driver makaraang pagbabarilin ng tatlong lalaki na kanyang nakaaway sa paradahan sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Kasalukuyang lumalaban at nagpapagaling sa ospital si Jimmy Mondala, 41, ng 2550 P. Guevarra Street, sa Sta. Cruz, na nagtamo ng mga tama ng bala sa leeg, likod, at braso.

Mabilis namang tumakas, lulan sa isang Ford Ranger (XHX-240), ang tatlong hindi pa nakikilalang suspek na ang isa ay inilarawang 5’7” ang taas, tinatayang nasa edad 40, nakasuot ng puting t-shirt at itim na shorts.

Sa ulat ni Police Supt. Santiago Pascual III, station commander ng Manila Police District (MPD) Station 3, bandang 9:15 ng gabi nangyari ang krimen sa Blumentritt Street, kanto ng Leonor Rivera St., Sta. Cruz.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Bago ito, nagtalo umano sa parking sa nasabing lugar ang biktima at ang mga suspek.

Bumaba umano sa sasakyan ang mga suspek at nagtungo sa Leonor Rivera St. at makalipas ang ilang minuto ay bumalik ang mga ito at isa sa kanila ang bumunot ng cal .9mm na baril at pinaulanan ng bala ang biktima. (Mary Ann Santiago)