Magpupulong ngayong araw ang mga opisyal ng Energy Regulatory Commission (ERC) upang desisyunan ang inihihirit na “staggered electricity rate hike” ng Manila Electric Company (Meralco).
Tiniyak ni ERC chairman Jose Vicente Salazar, na isasaalang-alang nila ang interes ng mga konsumidor sa kanilang pagdedesisyon.
Hinihiling ng Meralco ang mahigit pisong dagdag singil sa kuryente -- P1.44 per kilowatt-hour (kWh) – bunsod ng maintenance shutdown ng Malampaya natural gas facility nitong Enero 28 hanggang Pebrero 16.
At upang hindi naman masyadong mabigatan ang mga konsumidor, isinuhestiyon ng kumpanya na gawing staggered o paunti-unting ipatupad ang dagdag na singil sa loob ng tatlong buwan, o simula Marso hanggang Mayo.
Unang ipapatong ang 30 sentimos na Meralco bill ngayong Marso, panibagong 30 sentimo sa Abril at ang natitirang balanse ay idadagdag sa Mayo. (Mary Ann Santiago)