lbc ronda copy

HINDI pa man naipapahinga ang bugbog na katawan at mga namanhid na binti, nakatuon ang atensiyon ni LBC Ronda Pilipinas back-to-back champion Jan Paul Morales sa kampanya sa 29th Southeast Asian Games sa Agosto 19-31 sa Kuala Lumpur, Malaysia.

“Kung tatawagin ako sa National Team, handa akong lumaban para sa bayan,” pahayag ng 31-anyos mula sa Calumpang, Marikina.

“Kayang kaya pa nating makipagsabayan. Malaking karangalan ang lumaban sa international meet at iwagayway ang bandila ng bansa. Tingin ko at ramdam ko naman kaya pa nating magmedalya,” sambit ng pinakabagong milyonaryo sa hanay ng mga atleta.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Nakopo ni Morales ang mahigit P1 milyon na premyo nang pagwagihan ang 14-stage LBC Ronda at tanghaling ‘sprint at mountain king.’

Hindi estranghero si Morales sa Philippine Team at napasabak na rin sa ilang international tournament, kabilang ang bronze medal sa 4km team pursuit at 10km scratch sa 2009 Laos SEA Games.

Bahagi siya ng PH Team na pumuwesto sa ikaanim sa 100-km Team Time Trial at ika-23 sa 163-km road race sa Myanmar SEAG edition.

“I think I’m more matured as a rider now and a better one,” pahayag ni Morales.

Kabilang sa event ngayong SEAG ang road race at track event kung kaya’t malaki ang kumpiyansa ni Morales na makadale ng medalya.

Samantala, ipinahayag ni LBC Ronda Pilipinas project director Moe Chulani na ang 2018 edition ng LBC Ronda ay gaganapin na sa Abril mula sa dating buwan ng Pebrero.

“It has been set, our LBC Ronda Pilipinas 2018 edition will start on April 6,” pahayag ni Chulani sa media briefing matapos ang awarding ceremony sa Iloilo Business Park.

Sa nakalipas na limang taon, isinasagawa ang Ronda tuwing Pebrero, ngunit nakasabayan nito ang Le Tour – sanctioned ng UCI at inorganisa ng national cycling federation – ngayong taon dahilan para hindi nakalahok ang ibang matitikas na siklista kabilang ang mga miyembro ng National Team.

Dahil sa pagbabago, masisiguro ng mga siklista na makalahok sa dalawang cycling event sa bansa.

Bukod sa presentor LBC, itinataguyod ang Ronda ng MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.