TRULILI kaya na pinagpapahinga muna ng Viva Films sina James Reid at Nadine Lustre sa pelikula? At wala rin kaming naririnig na next teleserye nila sa ABS-CBN.
Balita namin ay biglang lumaylay ang tambalang JaDine dahil sa attitude problem. Ayon sa aming source, malaki ang negatibong epekto nito sa career nila.
“Lagi kasing may mga dahilan kapag may promo tour sila dati, ‘yun pala magkikita lang sila o may date. Nakakaapekto kasi iyon, dapat pinagbubuti nila ang trabaho nila habang mainit sila, eh, hayan, ano’ng nangyari?” sabi ng source.
Nabanggit pa sa amin na nagbago raw nang husto si Nadine at hindi na marunong bumati sa mga kakilala niya noong nagsisimula pa lang siya sa showbiz.
Pero masusubukan ang kasikatan ng JaDine kapag nag-click ang series of shows nila sa Amerika ngayong Abril, pero kapag hindi na mainit ang pagtanggap sa kanila ay baka paghiwalayin muna sila at i-partner sa iba para maisalba ang career ng bawat isa.
Ang tanong, kaya ba ni Nadine na wala si James? For sure, si James makaka-survive kahit wala si Nadine.
At higit sa lahat, kailangan ni James ng maraming trabaho dahil mahal ang monthly amortizations niya sa bahay na binili niya para sa pamilya niya sa isang sosyal at mamahaling subdibisyon. (Reggee Bonoan)