TEAM MY EX & WHYS copy

NAGKAROON ng victory party ang My Ex and Whys nitong nakaraang Biyernes ng gabi sa laki ng kinita nitong P341M worldwide habang ipinapalabas pa rin ito sa maraming sinehan sa nationwide.

Dumalo ang cast ng pelikula kasama ang undisputed box office director na si Ms. Cathy Garcia-Molina at writers na lahat abut-abot ang pasasalamat sa mga sumuporta sa kanilang pelikula. Present ang mga bidang sina Enrique Gil at Liza Soberano, Joross Gamboa, Ara Mina, Jeffrey Tam, Neil Coleta, Hyubs Azarcon, Dominique Roque at Ryan Bang.

Masayang-masaya ang lahat dahil isa-isa silang inabutan ng bonus ni ABS-CBN President/CEO Carlo Katigbak at Star Cinema Chief Operating Officer Malou Santos.

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas

Naging emosyonal si Liza sa kanyang thank you speech. Nagbalik-tanaw siya at sinabing hindi niya sukat akalain na narating na niya ang kinalalagyan niya ngayon bilang isa sa hottest young star at moneymaker ng Kapamilya Network.

Binanggit ni Liza na si Direk Cathy ang mentor niya nang magsimula siya sa seryeng Got To Believe bilang support at binigyan sila ni Enrique ng sariling teleserye na Forevermore na naging big hit sa telebisyon, at ngayon itong My Ex and Whys na tumabo nang husto sa box office.

Nagpasalamat si Liza sa kanyang direktor na nagtiyagang ihulma siya at ang pag-arte niya dahil nga baguhan pa lang siya sa industriya at ganoon din sa lahat ng mga nakatrabaho niya na umaalalay sa kanya mula sa production staff hanggang sa executive producer.

At siyempre, sa ABS-CBN at Star Magic family niya na naniwala sa kakayahan niya at sa Star Cinema na nagbigay sa kanya ng break.

Naisulat na namin kamakailan na posibleng si Liza ang tanghaling bagong Box Office Queen for 2017, depende kung hindi malalampasan ang box office take nila ng pelikulang I Can’t Help Fallin’ nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo na nakatakda nang ipalabas sa Abril 15. Gayundin, si Enrique na ang makakalaban naman ay si DJ bilang Box Office King.

Samantala, mababalik-teleserye na ulit ang LizQuen handog ng Star Creatives. (REGGEE BONOAN)