Wala nang babayaran ang mga Katoliko sa pagtanggap ng mga sakramento ng Simbahan.
Inihayag ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng Episcopal Commission on the Laity ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), na inalis ng Archdiocese of Manila ang ‘arancel’ o ‘fixed rate’ sa mga serbisyo sa binyag, kasal at libing.
Simula Nobyembre ngayong taon, tatanggalin na ang arancel sa Ecclesiastical province ng Manila na binubuo ng Diocese of Malolos, Antipolo, Imus, San Pablo, Apostolic Vicariate of Palawan bilang bahagi ng Year of the Parish.
Ayon kay Pabillo, ang pag-alis sa arancel ay mabubura na sa isipan ng mga tao na binabayaran nila ang mga sakramentong ibinibigay ng Simbahan.
Gayunman, nilinaw ni Pabillo na ang ibinibigay ng mga taong kumukuha ng serbisyo ng mga pari ay hindi bayad kundi suporta lamang sa Simbahang Katoliko.
“Ang problema sa ating panahon na masyadong materialistic, ang tingin diyan (arancel) ay parang binibigyan mo ng presyo ang mga serbisyo ng simbahan. Kaya ang tanong ay magkano yung kasal? Magkano yung binyag? Magkano yung libing?
Kaya ngayon, ang napagdesisyunan ng PCP II (Plenary Council of the Philippines II), tatanggalin ang Arancel, yung fixed rate na ibinibigay sa bawat serbisyo ng simbahan,” paliwanag ng Obispo sa panayam ng Radio Veritas.
Ayon sa Obispo, mula sa fixed rate ay tatanggapin ng mga pari ang “pledge o donasyon” o kung magkano lamang ang kayang ibigay ng mga layko para sa pagdaraos ng mga sakramento.
Positibo si Pabillo na sa pamamagitan nito ay matuturuan ang mga layko na ang pagbibigay sa Simbahan ay pagbabalik lamang sa biyayang ipinagkaloob ng Diyos.
Umaasa rin ang Simbahan na dahil wala nang bayarin ay wala na ring dahilan ang mga layko upang hindi sila makapagpabinyag, makapagpakasal, at makapagpalibing. (MARY ANN SANTIAGO)