Sugatan ang dalawang magkapatid makaraang tamaan ng ligaw na bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan dahil sa walang habas na pagpapaputok ng baril ng mga ‘di pa nakikilalang suspek sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Kasalukuyang inoobserbahan sa ospital ang isang limang taong gulang na babae at kanyang isang taong gulang na kapatid na kapwa residente ng Dagupan Extension, sa Tondo.

Sa ulat ni Police Supt. Alex Daniel, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 7, dakong 8:10 ng gabi ay naglalaro ang magkapatid sa loob ng kanilang kuwarto nang marinig ng ina ng mga biktima ang sunud-sunod na putok ng baril mula sa likurang bahagi ng kanilang tahanan.

Nagulat na lang umano ang ginang nang biglang mag-iyakan ang kanyang mga anak at nang kanyang tingnan ay nakitang duguan na ang mga ito.

National

Amihan, shear line, magpapaulan sa malaking bahagi ng PH

Agad humingi ng tulong ang ginang sa kanyang mga kapitbahay upang maisugod ang mga anak sa pinakamalapit na ospital.

Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga tauhan ng Hermosa Police Community Precinct (PCP), pinamumunuan ni Police Sr. Insp. Jojo Salanguit, upang maaresto ang nasa likod ng insidente. (Mary Ann Santiago)