TOTOO bang may Davao Death Squad (DDS) na pumapatay ng mga kriminal, adik at smugglers sa Davao City noong si Rodrigo Roa Duterte pa ang alkalde ng lungsod? Ang kilabot na DDS ang sinasabing nasa likod ng pagpatay sa 1,000 katao sa Davao City sa utos umano ng dating mayor na ngayon ay pangulo na ng Pilipinas na nakakuha ng 16.6 milyong boto noong May 2016 election sa bisa ng pangako na susugpuin niya ang illegal drugs sa bansa sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.

Para kay PDu30, walang DDS sa Davao City. Pero, para kina Edgar Matobato at SPO3 Arthur Lascañas may DDS sapagkat sila ay mga kasapi nito. Inilahad ni Matobato sa pagdinig noon ng Senate committee on justice, na pinamunuan ni Sen. Leila de Lima, maraming pinatay ang DDS sa utos mismo ni Mayor Duterte. Itinanggi ito ni Mano Digong at itinanggi na kilala niya si Matobato.

Noong Lunes, biglang lumitaw ang retiradong pulis (SPO3) na si Lascañas, umano’y team leader ng DDS, at inaming meron nga nito na responsable sa pagpatay sa mga kriminal, drug pushers-users sa Davao City sa utos ng alkalde. Gayunman, sa unang pagharap niya sa Senado noon, itinanggi ni Lascañas na may DDS at pinabulaanan ang pahayag ni Matobato.

Ngayon, nag-iba ng tono si Lascañas at sinabing may DDS nga. Sabi ni Sen. Panfilo Lacson, puwedeng kasuhan ng perjury o pagsisinugaling ang dating pulis sapagkat noong una, under oath, ay sinabi niyang walang DDS.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa press conference sa Senado, inihayag ni Lascañas na bunsod ng araw-araw na pag-atake sa kanya sa radyo ni broadcaster Jun Pala, nag-alok ng P3 milyon kontrata si Mayor Duterte para itumba ang radio broadcaster. Ang pagpatay kay Pala ay nangyari noong 2003 at nagbigay pa ng P1 milyong bonus ang alkalde nang mapatay si Pala. Mariin itong itinanggi ito ni Duterte.

Inamin Lascañas na siya mismo ang pumatay kay Pala sa utos ng alkalde.

Para sa Malacañang, ang kuwento ni Lascañas ay bahagi ng “demolition job” na isinusulong ni Sen. Antonio Trillanes IV, mahigpit na kritiko ng Pangulo. Si Trillanes ang nag-ayos sa press conference sa Senado noong Lunes. Nag-akusa si Communications Secretary Martin Andanar na nag-alok o binigyan ng $1,000 o P50,000 ang Senate reporters para dumalo sa presscon at maibalita ang pahayag ni SPO3 Lascañas. Nagalit ang mga reporter sa alegasyon ni Andanar. Humihingi sila ng apology mula sa kanya.

Kung talagang gusto ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army (CPP-NPA) na muling buksan ang usapang-pangkapayapaan, dapat nilang tigilan ang pagsalakay sa mga sundalo, tigilan ang extortion o pangingikil sa mga tao, at pagsunog sa mga ari-arian at heavy equipment.

Sinabi ni Presidential spokesman Ernesto Abella na kailangang magkaroon ng “compelling reasons” upang maipagpatuloy ang peace talks na winakasan ni PDu30 ngayong buwan matapos magsagawa ng sunud-sunod na pag-atake ang mga rebelde laban sa tropa ng gobyerno na ikinamatay ng mga kawal.

Iginiit na Abella na kabilang sa “compelling reasons” ang pagsang-ayon ng CPP-NPA sa bilateral ceasefire agreement, pagtigil sa koleksiyon ng revolutionary tax (extortion), pag-ambush sa mga kawal, at pagsunog sa mga ari-arian.

Nai-raffle na ang tatlong kasong kriminal laban kay De Lima sa Muntinlupa Regional Trial Court (RTC). Nag-isyu na ng arrest warrant ang Muntinlupa RTC. Marahil, iyan ang kamalasan ni De Lima, ang imbestigahan ang DDS noong siya pa ang CHR chairperson, na umano’y sangkot si Mayor Duterte. Hindi na ito nakalimutan ni Mano Digong kung kaya ngayong siya na ang presidente, ayaw siyang tantanan hanggang siya (De Lima) ay mabilanggo at magdusa! (Bert de Guzman)