MULI na namang naungkat ang suggestion na dapat sumali si Liza Soberano sa Binibining Pilipinas dahil tiyak na mananalo. Kamakailan, nabanggit ng kanyang amang si John Castillo Soberano na ito rin ang pangarap niya para sa anak.
Pero hindi sang-ayon dito ang manager ni Liza na si Ogie Diaz.
Naitanong na namin noon pa sa aming katoto (sa press visit ng seryeng Born For You nina Elmo Magalona at Janella Salvador) kung papayagan niyang sumali sa beauty contest si Liza, at ang mabilis na sagot niya, “Bakit? Kailangan ba?”
‘Sayang, ang ganda niya, eh,’ sabi namin, ‘tiyak na pupuwesto siya.’
“Paano kung hindi manalo? Eh, di kahiya-hiya pa? Dito sa showbiz, kilala na siya at saka kumikita na siya. Siguro may time para d’yan, as of now, ito munang showbiz career niya ang pagtuunan niya ng pansin kasi dito siya kumikita at saka marami pa siyang obligasyon.
“Kung hihinto siya para mag-train for Binibining Pilipinas, paano na ang mga bayarin niya? Marami pa siyang obligasyon, Reggee, huwag mong madaliin. Darating tayo d’yan, hindi ngayon,” klarong paliwanag ni Katotong Ogie.
Nineteen years old pa lang naman si Liza, at kung may pangarap man siyang maging beauty queen ay may anim o pitong taon pa siya para mapaghandaan ito. Hanggang 25-26 years old puwedeng sumali sa Binibining Pilipinas.
Pabirong hirit sa amin ni Ogie, “At saka paano naman ang kikitain ko bilang manager? Gusto mo na akong mawalan ng kita, ‘no? Paano na ang mga addi (additional) kapag may presscon? Ikaw talaga, gusto mo ‘yung sinabi ko, ha-ha-ha-ha!”
Kahit kailan itong katoto namin, hindi papayag na hindi ka napapatawa tuwing maghihiwalay pagkatapos ng usapan.
Samantala, nagsasaya ang buong opisina ng Star Cinema dahil patuloy na humahataw sa takilya ang My Ex and Whys nina Liza at Enrique Gil. Kumita na ito ng P200M sa loob lang ng walong araw simula nang nagbukas ito noong Pebrero 15.
(REGGEE BONOAN)