RONNIE_DAYAN

Pansamantalang ikukulong sa Muntinlupa City Police headquarters si Ronnie Dayan, dating driver-bodyguard ni Senador Leila de Lima, matapos ilabas ang commitment order ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 204 sa kaso niyang paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act na may kaugnayan sa bentahan ng droga sa New Bilibid Prisons (NBP).

Mahigpit na seguridad ang ipinatupad ng mga tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) ng Pangasinan Police nang ibiyahe kahapon ng madaling araw si Dayan patungo sa Muntinlupa Justice Hall.

Inaresto si Dayan ng SWAT team mismong bahay niya sa Urbiztondo, Pangasinan kasunod ng pag-isyu ni Muntinlupa RTC Branch 204 Judge Juanita Guererro ng warrant of arrest laban sa kanya at kina De Lima at dating Bureau of Corrections Officer-in-Charge Rafel Ragos nitong Huwebes ng hapon.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Samantala, naniniwala ang pamilya ni Dayan na bibigyan ito ng sapat na lakas ng Panginoon para harapin ang mga pagsubok sa buhay sa bendisyon ng isang pari sa kanilang bayan.

Bago tumulak si Dayan sa korte kahapon ay ipinatawag ang parish priest ng Urbiztondo na si Father Antonio Rey Quintans.

Nanawagan ng panalangin ang pamilya ni Dayan para sa kanyang kaligtasan. (Bella Gamotea at Liezle Basa Iñigo)