Nba copy

NBA record 50 puntos sa isang quarter naitala ng Warriors.

OAKLAND, California (AP) – Naitala ng Golden State Warriors ang NBA record 50 puntos sa isang quarter tungo sa dominanteng 123-113 panalo kontra sa Los Angeles Clippers nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).

Dumadaloy pa sa wisyo ang kaganapan sa All-Star Game, hataw si Stephen Curry sa naiskor na 35 puntos, kabilang ang 17 sa matikas na ratsada sa third period. Naisalpak niya ang apat na three-pointer, pitong rebound, limang assist at apat na steal.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Nakumpleto ni Curry ang four-point play sa huling 30.7 segundo ng third period at buzzer-beating three para selyuhan ang panalo.

Naghabol ang Warriors sa 49-61 sa first half, bago pumutok sa third period. Ang 50 puntos sa isang quarter ang kauna-unahan sa NBA mula nang magtala ng 51 puntos ang Los Angeles Lakers kontra sa New York Knicks noong Marseo 25, 2014.

Nag-ambag si Kevin Durant ng 25 puntos, kabilang ang apat na three-pointer, 15 rebound at pitong assist sa NBA-best Warriors (48-9).

ROCKETS 129, PELICANS 99

Sa New Orleans, naisalpak ni reserve Lou Williams ang pitong three-pointer para sa kabuuang 27 puntos para sa impresibong debut sa Houston Rockets kontra sa Pelicans.

Nabalewala ang ‘Twin Tower’ ng New Orleans sa kabila nang nakubrang 29 puntos ni Anthony Davis at bagong recruit na si DeMarcus Cousins na kumuha ng 27 puntos at 14 rebound.

CAVALIERS 119, KNICKS 104

Sa Cleveland, nailista ni LeBron James ang ika-48 career triple-double, habang kumana si Kyrie Irving ng 23 puntos sa panalo ng Cavaliers kontra sa problemadong New York Knicks.

Kumana si James ng 18 puntos, 13 rebound at 15 assist para sa ikaanim na triple-double ngayong season.

Nanguna si Anthony, isinusubo ng Knicks sa trade, sa natipang 29 puntos, habang nag-ambag si Courtney Lee ng 25 puntos.

PISTONS 114, HORNETS 108, OT

Sa Auburn, Hills, Michigan, ginapi ng Pistons, sa pangunguna ni Kentavious Caldwell-Pope sa nahugot na 33 puntos, ang Charlotte Hornets.

Naiskor ni Caldwell-Pope ang huling 11 puntos sa regulation para sa Detroit. Nanguna si Kemba Walker sa Charlotte.

TRAIL BLAZERS 112, MAGIC 103

Sa Orlando, Florida, hataw si Damian Lillard sa natipang 33 puntos, habang kumubra si C.J. McCollum ng 22 puntos sa panalo ng Portland kontra sa Orlando Magic.