HINDI sapat ang pag-eehersisyo lamang na walang sinusunod na healthy diet para sa mga taong nagpapapayat o nagpapanatili ng kanilang timbang, ayon sa resulta ng isang pag-aaral.
Sinalungat nito ang dating paniniwala na dulot ng kakulangan sa ehersisyo ang obesity epidemic sa U.S, saad ng lead study author na si Lara Dugas, assistant professor ng public health sciences sa Loyola University Chicago Stritch School of Medicine.
Sa pagtukoy kung ano ang dahilan ng obesity, “what we really need to look at is what people are eating,” saad ni Dugas sa Live Science. Iniuugnay ng mga naunang pag-aaral, halimbawa, na mas malaki ang panganib sa pagiging obese ang pagkaing matataas ang calorie at sweetened beverage, aniya.
Sa bagong pag-aaral, natuklasan ng mga researcher na walang epekto ang oras na inilalaan ng mga tao sa pag-eehersisyo kada linggo sa pagpapanatili ng kanilang timbang.
Sa katunayan, ang ibang tao na mas madalas mag-ehersisyo ay nadagdagan ang timbang sa dalawang taong study period, samantalang ang bihirang mag-ehersisyo ay nakapagbawas ng timbang sa kaparehong panahon, ayon sa pag-aaral na inilathala nitong nakaraang buwan sa journal na PeerJ.
Iminumungkahi ng resulta na “physical activity was not enough to prevent weight gain,” ani Dugas.
Sinuri ng bagong pag-aaral ang mahigit 1,900 katao sa U.S., Ghana, South Africa, Jamaica at Seychelles (isla sa Indian Ocean). Sa simula ng pag-aaral, inutusan ng mga researcher ang lahat ng kalahok na magsuot ng tracking device sa loob ng isang linggo para masukat kung ilang oras silang nag-eehersisyo. Ginamit ng mga researcher ang datos para masuri kung pumasa ang mga kalahok sa U.S. Surgeon General’s physical activity guidelines, na nagrekomenda ng pag-eehersisyo sa loob ng dalawa at kalahating oras kada linggo.
Tatlong beses ding sinukat ng mga researcher ang bawat timbang, tangkad, at body fat ng bawat kalahok: sa simula, pagkaraan ng isang taon, at ng dalawang taon.
Sa simula ng pag-aaral, ang mga kalahok mula sa Ghana ay tumimbang ng karaniwan, at ang mga kalahok mula sa U.S. ang may pinakamabigat na timbang, ayon sa pag-aaral.
Ang karaniwang timbang ng lalaki at babae sa Ghana ay 139 lbs. (63 kilograms), samantalang ang karaniwang timbang ng American men ay 206 lbs. (93 kgs) at 202 lbs (92 kg) naman ang kababaihan.
Bagamat hindi lamang para sa mga Amerikano ang pag-aaral na may pattern ng mga nag-eehersisyo na hindi nababawasan ang timbang o mas nadadagdagan ng timbang, napansin din ito ng mga researcher sa limang ibang bansa. Kaya maaari ring gamitin ang resulta sa ibang populasyon, saad ni Dugas.
Hindi masyadong malinaw kung bakit hindi nakatutulong ang pag-eehersisyo sa pagbabawas ng timbang, o sa kaugnayan nito sa pagdagdag ng timbang. Ang isang posibleng paliwanag ay dahil mas maganang kumain kapag nag-eehersisyo, sabi ni Dugas.
Gayunman, hindi iminumungkahi ng resulta na kailangan nang tumigil sa pag-eehersisyo ang mga tao, aniya. Mayroon pang ibang mga benepisyo ang pag-eehersisyo, saad ni Dugas. (Live Science)