ANTIPOLO CITY – Bantayan at bigayan.

Para sa Philippine Navy-Standard Insurance, ang ganitong istilo ang kailangan nilang masustinahan tungo sa huling tatlong stage para makaiwas sa mga paningit at masigurong katropa ang tatanghaling kampeon sa 2017 LBC Ronda Pilipinas.

Nagpakatatag sa peloton bago bumirit ang Navymen sa krusyal na sandali para maihatid si Rudy Roque sa tagumpay sa 140-km Calamba-Antipolo Stage 11 ng prestihiyosong cycling marathon na matiwasay na humimpil sa pamosong Hinulugang Taktak dito.

Naitala ni Roque, 25, ang tyempong tatlong oras, 57 minuto at 39 segundo para makamit ang ikalawang stage victory. Nasungkit niya ang Vigan-Laoag-Vigan Stage One nitong Pebrero 4.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Matiwasay namang bumuntot ang kasangga at defending champion na si Jan Paul Morales, 31, kasama si Ronnel Hualda ng Go for Gold sa parehong tyempong 3:59:43.

Bunsod nito, nakalapit si Roque, pambato ng Tipo, Bataan, nang mahigit dalawang minuto kay Morales (37:28:11) para sa labanan sa individual title kung saan naghihintay ang P1 milyon na premyo kaloob ng presentor LBC.

Inamin ni Roque na hahayaan na lamang niya si Morales sa liderato at babantayan na lamang na hindi makasingit si Cris Joven ng Kinetix Lab-Army, nanatiling nasa No.3 may 11 minuto ang layo kay Morales.

Tan gan niya ang kabuuang oras na 37:37:03.

“Masaya ako sa isa pang stage win. Pero, hindi ko na masyadong iniisip na mahabol ko pa si Jan Paul. Target ko bantayan na lang si Joven para hindi na makasingit,” sambit ni Roque, tumapos na ika-siyam sa overall race sa nakalipas na edisyon.

Patuloy lang sa petiks-petiks si Morales na kailangan na lamang na manatili sa lead pack para masustinihan ang tangan na liderato.

Ito ang ikapitong stage na tumayo si Morales sa podium. Pinagharian niya ang Stage Two sa Vigan, Ilocos Sur, Stage Three sa Subic, Stage Eight sa Daet, Camarines Norte at Stage Nine sa Unisan, Quezon.

“Chillax lang, basta ang importante mga kasangga ko ang kumukuha ng stage at kumakain ng konting oras,” sambit ni Morales.

“Hindi pa sigurado, pero at least tuloy ang kain natin sa oras,” pahayag ni Morales, nagtatangka na tanghaling kauna-unahang back-to-back champion sa torneo.

Tumalon sa No.4 mula sa pagiging No.6 si Bryant Sepnio ng Go for Gold (37:41:33), habang nakuha ni Lionel Dimaano ang No.5 spot mula sa dating No. 8 (37:46:05).

Nakuha naman nina Ilocos Sur’s Ryan Serapio at Navy’s Daniel Ven Carino at skipper Lloyd Lucien Reynante ang Nos. 6, 7 at 8 sa tyempong 37:47:16, 37:48:28 at 37:48:43, ayon sa pagkakasunod.

Nasa No.9 si Navy’s Ronald Lomotos (37:48:45) at No.10 si Kinetix Lab-Army’s Reynaldo Navarro (37:49:490.

May pagkakataon pa para sa iba sa isang linggong pahinga. Magbabalik ang aksiyon sa Marso 2 para sa Visayas leg ng torneo -- Stage 12 sa Marso 2 sa Guimaras at Stage 13 at 14 sa Marso 3 at 4 sa Iloilo City.

Itinataguyod ang Ronda ng LBC, sa pakikipagtulungan ng MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.