“Nakita ko po ‘yung bus na dumiretso, kasi bangin na po ‘yun, eh. Napapikit na lang po ako, sabi ko, ‘Lord, kayo na po bahala’.”
Ito ang naging pagbabalik-tanaw ni Raymond (hindi tunay na pangalan), first year Information and Technology student ng Bestlink College of the Philippines na nakaligtas sa pagbangga ng sinasakyan nilang Panda Coach tour bus sa poste ng kuryente sa Barangay Sampaloc, Tanay, Rizal nitong Lunes ng umaga, habang patungo sa camping site.
Labintatlong kapwa niya estudyante ang nasawi sa aksidente, kasama ang isang guro at ang driver ng bus, habang mahigit 30 silang nasugatan.
Kuwento ni Raymond, nawalan siya ng malay at nang magising ay duguan na siyang nakahandusay sa labas ng wasak na wasak na bus.
“Paggising ko po, nasa tabi na po ako ng bus…panay dugo na po ‘yung ulo ko. Tapos sa paligid namin, panay patay na po,” aniya.
Sinabi ni Raymond na tumilapon siya mula sa bus sa lakas ng pagkabangga. Natatandaan niyang katabi pa niya ang kanyang nobya, na umiiyak sa labis na kirot na nararamdaman.
“Magkaiba po ang sinakyan naming ambulansiya. Hindi ko alam sa’n na siya ngayon. Nagtatanong ako, pero walang makapagsabi,” sabi pa ni Raymond, na masuwerteng nagtamo lang ng sugat sa mukha at balikat. Maga rin ang kanyang kanang bukung-bukong dahil sa sprain.
Nakalabas na rin sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center (ARMMC) si Raymond, ayon sa direktor ng ospital na si Dr. Emmanuel Bueno, kasabay ng pitong iba pang nagtamo ng minor injuries.
AMOY SUNOG NA GOMA
Sinabi pa ni Raymond na iba pa ang pakiramdam niya bago pa man sila umalis sa eskuwelahan patungong Tanay, sakay sa “Bus No. 8”.
Aniya, nakaalis na ang walo pang bus na kinalululanan ng iba pang mga estudyante at naiwan ang kanilang bus—na matapos silang pababain dahil “sira raw” ay pinasakay silang muli.
“Ang sabi okay naman daw po kaya dun pa din kami inilipat. ‘Yun din ‘yung tiwala namin.”
Kuwento niya, nakatulog pa siya sa biyahe ngunit nagising sa amoy ng nasusunog na goma, na sinabi pa nila sa driver ngunit hindi umano sila pinansin nito.
Nagsimula umanong mag-panic ang mga estudyante nang biglang tumagilid ang bus at manginig nang “pabilis na nang pabilis”.
“Nakita ko po ‘yung bus na dumiretso, kasi bangin na po ‘yun, eh. Napapikit na lang po ako, sabi ko, ‘Lord, kayo na po bahala’,” ani Raymond. (Vanne Elaine P. Terrazola)