TAGAYTAY CITY – Hindi na nagpumilit si Jan Paul Morales na makapanalo ng stage race upang magreserba ng lakas para sa huling apat na stage ng 2017 LBC Ronda Pilipinas.
Sa sitwasyong halos abot-kamay ng pambato ng Philippine Navy-Standard Insurance ang minimithing back-to-back tile, nagpetik-petik na lamang ang ‘red jersey’ leader, sapat para bigyan ng pagkakataon ang bagitong si Roel Quitoy ng Mindanao na maisubi ang Stage 10 kahapon sa Tagaytay Convention Center dito.
Nasa ikalawang taon ng pagsabak sa itinuturing premyadong cycling marathon sa bansa, maagang humiwalay sa peloton si Quitoy sa akyating bahagi ng ruta at nanatiling nakalinya sa nangungunang grupo na kinabibilangan ni Morales bago humataw sa huling ratsadahan para makamit ang panalo sa tyempong tatlong oras, 25 minuto at 29 segundo.
Hindi na nagpumilit si Morales, nagwagi sa Stage Nine criterium sa Sta. Rosa, Laguna nitong Linggo, na sabayan si Quitoy at nanatili na lamang sa ikalawang puwesto may dalawang segundo ang layo sa stage winner.
“Moment na niya iyon, kaya hindi ko na hinabol pa. Lamang naman tayo sa oras mahirap na. Isa pa, parang regalo ko na sa kanya. Masigasig din at talagang nagpakita ng determinasyon,” pahayag ni Morales.
Walang pagsidlan ang kasiyahan ni Quitoy, anak ni Romeo na isa ring masugid na kalahok sa pamosong MarlboroTour noong dekada 90. Naiuwi niya ang P20,000 premyo bilang leg winner.
“Nakita ko noon ang pagtitiyaga ng tatay ko sa cycling. Maayos naman ang buhay namin at pinangarap ko rin na mabigyan ng magandang pamumuhay ang pamilya ko sa pamamagitan ng cycling. Ngayon, tingin ko simula na ito, tiyaga at sakripsiyo lang,” pahayag ni Quitoy, dating mountain biking rider.
Pangatlong tumapos si Ronnilan Quita ng Kinetex Lab-Army, habang pang-apat si Navyman Jay Lampawog sa parehong tyempo na 3:26:50.
Tangan pa rin ni Morales ang pangunguna sa kabuuang oras na 33:26:24, may 4.26 minuto ang layo sa kasanggang si Rudy Roque (33:30:50).
Tumataginting na P1 milyon ang naghihintay sa kampeon kaloob ng presentor LBC, sa pakikipagtulungan ng MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.