Nagsimula nang magsidatingan ang mga delegado ng Foreign Ministers Retreat ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit kilalang na resort island sa Boracay.
Sinabi ni Undersecretary Charles Jose ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa isang press conference na ang Pilipinas, bilang punong-abala, ang magsisilbing presiding officer ng retreat ngayong araw.
Binanggit ni Jose na ang ilegal na droga, iringan sa dagat sa China at human trafficking, ang ilan sa mga hamong kinakaharap ng mga kasaping estado ng ASEAN.
PROPAGANDA NG CHINA
Kaugnay nito, nagbabala ang mga eksperto sa ASEAN foreign ministers na hindi seryoso ang China sa panukalang Code of Conduct (COC) na magpapahupa sa tensiyon sa South China Sea.
Sinabi ni Prof. Alexander Vuving ng Daniel K. Inouye Asia-Pacific Center for Security Studies sa Honolulu, Hawaii na sakaling maipasa ang COC, gagamitin lamang ito ng China bilang propaganda.
“It shows China is exercising self-restraint and is willing to cooperate with ASEAN. But in actuality, there is no real commitment for cooperation,” sabi ni Vuving.
Sinabi ni DFA Secretary Perfecto Yasay Jr. na umaasa ang Pilipinas, na mabubuo na ang COC ngayong taon.
Naniniwala si Prof. Marvin Ott ng Paul H. Nitze School of Advanced International Studies and the East Asian Studies sa John Hopkins University na ang “China will never agree to a real code of conduct.”
MIGRANTS PROTECTION
Binabalangkas din ng samahan ang implementing guidelines sa ASEAN declaration of the protection and promotion of the rights of migrant workers.
Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na kabilang sa mga karapatang ito ang proteksiyon sa fixed working hour, exemption sa pagbayad ng terminal fee, at pag-alis ng mga terminal fee.
(Jun N. Aguirre, Tara Yap at Yas D. Ocampo)