Labinlimang katao, kabilang ang 14 na estudyante, ang kumpirmadong nasawi habang mahigit 20 iba pa ang nasugatan nang mawalan ng preno at bumangga sa poste ang sinasakyan nilang tourist bus na maghahatid sana sa kanila sa isang camping site sa Tanay, Rizal, kahapon ng umaga.

Pito sa mga nasawi ang nakilalang sina Ferd Cabino, Jonahfay Cenezo, Anelmo Galauran, Robert Kenneth Pepito, Princess Nina Centonis at Lovely Sivingan, pawang estudyante ng Bestlink Colleges of the Philippines sa Novaliches, Quezon City; at ang driver ng bus na si Julian Lacorda, 37 anyos.

Sampu sa mga nasawi ang dead on the spot, tatlo ang dead on arrival sa pagamutan habang dalawa ang binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas.

Samantala, nasa mahigit 20 pa ang nasugatan at 16 sa mga ito ang kritikal — batay sa huling police report bago mag-5:00 ng hapon kahapon — makaraang magtamo ng mga sugat sa ulo at bali sa katawan.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Labingsiyam sa mga biktima na isinugod sa Amang Rodriguez Hospital ay nakilalang sina Richard Gallego, 24; Jeffrey Epino, 24; Philip Molina, 21; Jerwin Abulag, 18; John Loyd Besagas, 17; Jasmin Samauna, 18; Rico Melendrez, 18; Arvin Abarcar, 17; Adrian Lamoste, 23; Anthony Melgarejo, 22; Raymond Pee, 20; Sheila Mae Serapin, 20; Edgar Quinones, 25; Mark Briones, 19; Marisol Batacap, 18; Hazel Buram, 19; Dana Erica Lozendo, 19; Chonalyn Ong, 18; at Mark Barcelona, 24 anyos.

Batay sa ulat ni Rizal Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Chief Dong Malonzo, sakay sa Panda Coach bus (TXS-325) na nirentahan ng Harana Tours, ang mga biktima ay patungong Sacramento Valley Resort para sa tatlong-araw na camping nang mawalan ng preno ang sasakyan hanggang bumangga sa poste ng kuryente sa Pelegrino Farm, sa bisinidad ng Magnetic Hills, sa Sitio Bayukan, Barangay Sampaloc sa Tanay, dakong 8:40 ng umaga.

Ayon kay Tanay MDRRMO chief, Engr. Carlos Inofre, ang mga sugatan ay isinugod sa iba’t ibang pagamutan, kabilang ang Rizal Provincial Hospital, Tanay General Hospital, Camp Mateo Capinpin Hospital, Tanay Community Hospital, Army Station Hospital, at Amang Rodriguez Hospital.

Sinasabing may 57 ang sakay na pasahero ng bus at ang pinakamatindi ang pinsala ay ang nakaupo sa kaliwang bahagi nito.

BUS NO. 8

Batay sa imbestigasyon, madaling-araw nang umalis sa Bestlink sa Quezon City ang siyam na tourist bus, na kinalululanan ng tig-57 pasahero, na karamihan ay estudyante.

Minalas namang hindi nakarating sa destinasyon ang Bus No. 8 matapos na maaksidente ito.

Sinasabing nasa camping site na ang walong bus at nagsisimula na ang training sa ibang estudyante dahil nagkaproblema sa preno ng bus hanggang sa maaksidente ito.

Kuwento ni Rolluna Nesher, estudyante at isa sa mga nakaligtas, hindi naman mabilis ang takbo ng kanilang bus nang mangyari ang aksidente.

“Ang huli kong naalala ay nawalan kami ng preno. Nakakaamoy kami ng nasusunog na goma. Hindi naman po mabilis ang takbo ng bus,” kuwento ni Nesher nang kapanayamin sa radyo.

Tiniyak naman ni Jona Martires, reservation officer ng Panda Coach Tours & Transport, Inc., na tutulungan nila ang mga biktima, partikular na sa gastusin sa pagpapalibing at pagpapaospital, kasabay ng pagpapaabot ng pakikiramay sa pamilya ng mga nasawi.

SUSPENDIDO ANG PRANGKISA

Kasunod nito, sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang permit ng Panda Coach.

Kinumpirma ni LTFRB Board Member at Spokesperson Aileen Lizada na ipinag-utos ng ahensiya ang 10-araw na 10-day preventive suspension sa certificate of public convenience (CPC) o prangkisa ng Panda Coach.

Pinadadalo rin ng LTFRB ang operator ng kumpanya sa pagdinig ng ahensiya sa Martes, Pebrero 28, kaugnay ng aksidente.

(May ulat ni Vanne Elaine P. Terrazola) (MARY ANN SANTIAGO)