Morales, lumalapit sa LBC Ronda history.
STA. ROSA, Laguna – Pinatatag ni Philippine Navy-Standard Insurance Jan Paul Morales ang kapit sa ‘red jersey’ nang angkinin ang Stage Nine Critirium – ikaapat na stage win – sa 2017 LBC Ronda Pilipinas sa Paseo de Sta. Rosa rito.
Pinatunayan ng 31-anyos na si Morales ang kahusayan sa ‘sprint race’ nang ratratin ang karibal na si Ronnel Hualda ng Go for Gold sa rematehan para mapalobo ang tangan na bentahe sa 14-stage cycling marathon na inorganisa ng LBC.
Parehong tyempo ang naitala nina Morales at Hualda na isang oras, limang minuto at 58 segundo.
Tangan ni Morales, nagwagi rin sa Stage Two sa Vigan, Ilocos Sur, Stage Three sa Subic at Stage Six sa Daet, Camarines Norte, ang kabuuang oras na 30:00:58, may 2.37 minuto ang layo sa kasangga at dating lider na si Rudy Roque, nanatiling nakabuntot sa oras na 30:03:35.
Maliit na walong segundo lamang ang nakain sa oras ng pambato ng Calumpang, Marikina, ngunit sapat na ito para patatagin ang kanyang kalagayan at kampanya para sa makasaysayang back-to-back title sa pamosong torneo na may nakalaang P1 milyong premyo.
“Mahirap magbilang ng sisiw kung hindi pa napipisa ang itlog. May apat na stage pa para makasiguro. Hindi natin masasabi ‘yan basta kung may pagkakataon ratsada tayo,” pahayag ni Morales.
Hindi naman maiwasan ni Hualda na isuko na ang laban kay Morales.
“Kapalaran na lang ang magpapabago ng pangyayari, pero kung baga sa basketball lamang na si Morales ng 40 points, mahirap nang habulin,” aniya.
Nangunguna rin si Morales sa labanan sa ‘Sprint at King of the Mountain’ title sa paglarga ng 130-km Tagaytay-Batangas-Tagaytay Stage 10 ngayon.
Kabilang si Navy skipper Lloyd Lucien Reynante sa peloton at nakatawid sa finish line sa ikatlong puwesto sapat para tulungan ang Navymen sa hangarin na makopo ang team championship tangan ang kabuuang oras na 121:12:04, habang nakabuntot ang Go for Gold (121:32:17) at Kinetix Lab-Army (121:53:34).
Pangatlo si Navyman Ronald Lomotos sa individual race (30:05:56) habang nasa No.4 si Go for Gold’s Jonel Carcueva.
Kabilang sa top 10 sina Kinetix Lab-Army’s Cris Joven (30:06:50), Go for Gold’s Bryant Sepnio (30:08:34) at Elmer Navarro (30:08:41), RC Cola-NCR’s Leonel Dimaano (30:08:48), Go for Gold’s Ismael Grospe, Jr. (30:10:46) at Navy’s Jay Lampawog (30:10:58).
Itinataguyod ang karera ng MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.