Direktang hinamon ng Presidential adviser for poverty alleviation na si Larry Gadon si Vice President Sara Duterte na magtawag raw ito ng mga galit na Pilipino at magsagawa ng rally sa EDSA.
Matatandaang kasing inihayag sa publiko ni VP Sara noong Marso 11, 2026, sa anibersaryo ng pagkakaaresto ng kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na isang taon na raw galit ang maraming Pilipino.
“It is unthinkable that a government, no matter the political differences with the administration, would send a citizen to a foreign jurisdiction, to be detained, tried for crimes against humanity na walang basehan at walang maayos na witnesses. Galit ang mga tao, isang taon na silang Galit,” ani VP Sara.
Ayon naman sa inilabas na pahayag ni Gadon nitong Biyernes, Marso 13, 2026, sinabi niyang umaandar na naman umano ang “hallucination” ng bise presidente.
“Umaandar na naman ang hallucination nitong si VP Sara at sinasabi niyang isang taon nang galit ang mga Pilipino sa pag-kidnapped daw at pagkakakulong ng kaniyang ama,” pagsisimula niya.
Dagdag niya, “[Nasaan]? [Nasaan] ang galit? Magtawag ka.”
Hamon ni Gadon, magtawag daw si VP Sara ng umano’y sinasabi nitong mga galit na Pilipino sa pagkakaaresto sa kaniyang ama at magsagawa raw sila ng rally sa EDSA.
“Hinahamon kita ngayon VP Sara, magtawag ka ngayon ng rally diyan sa EDSA. Tawagin mo ang lahat ng mga galit na Pilipino. Tingnan natin kung merong pagkakampi sa ‘yo,” aniya.
Udyok pa ni Gadon, gawin daw ni VP Sara ang hamon niyang pagkilos nila sa EDSA para mapatunayan daw nitong kathang-isip lamang nasabi nito.
“Sige na. Magtawag ka ngayon para malaman natin na ang sinasabi mong ‘yan ay kathang isip lamang sa ‘yo. Hallucination sa iyo ‘yan,” saad niya.
Ani Gadon, masyado raw abala ang mga Pilipino sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay kaya hindi raw iniintindi ng mga ito ang pagkakakulong ni FPRRD.
“Galit ang mga Pilipino? Ang mga Pilipino ngayon ay abala sa kanilang araw-araw na pamumuhay kaya hindi nila iniintindi ‘yang pagkakakulong ng tatay mo. Hindi naman siya inosente,” ‘ika niya.
“Magtawag ka ngayon ng rally, hinahamon kita,” pagtatapos pa ni Gadon.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na direktang pahayag, tugon, o reaksyon si VP Sara kaugnay rito.
MAKI-BALITA: Palasyo, bumanat na baka may bolang kristal si VP Sara sa hulang giyera mula 2022
MAKI-BALITA: VP Sara, binira balak na 'subpoena' ng Kamara para sa ebidensya sa impeachment complaints niya