MATAPOS magpasikat sa kanyang huling dalawang laban nang patulugin ang world class boxers sa South Africa at United States, aakyat ng timbang si dating Philippine super bantamweight champion Jhon Gemino para harapin si IBF No. 7 at WBC 9 featherweight Jorge Lara ng Mexico sa Pebrero 25 sa Legacy Arena, Birmingham, Alabama sa Amerika.

Magsisilbing undercard ang 8-round bout nina Gemino at Lara sa pagdedepensa ng korona ni undefeated WBC heavyweight champion Deontay Wilder laban sa wala ring talo at No. 8 contender Gerald Washington.

Unang pinatulog sa 7th round ni Gemino si South African at WBO International super bantamweight titlist Toto Helebe noong Agosto 5, 2016 sa Gauteng, South Africa bago pinalasap ng unang pagkatalo si world rated Toka Kahn Clary ng Liberia via 1st round knockout noong Setyembre 23 sa Kissimmee, Florida.

Bago ito, tatlong beses siyang natalo sa Mexico kina dating WBC Silver super bantamweight titlist Andrez Gutierrez (UD 10), ex-WBO super flyweight champion Daniel Rosas (KO 8) at ex-IBF super flyweight titleholder Juan Carlos Sanchez (UD 10) mula Hulyo 2015 hanggang Enero 2015.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Beterano rin si Lara sa dalawang huling laban ay tumabla kay Puerto Rican Jesus Roxas at pinatulog sa 1st round ang kababayang si dating WBC at WBO bantamweight champion Fernando Montiel.

May rekord si Gemino na 15-7-1, kabilang ang pitong knockout kumpara sa perpektong rekord ni Lara na 28 panalo at dalawang tabla na may 20 panalo sa knockouts. (Gilbert Espeña)