SA kasaysayan ng iniibig nating Pilipinas, partikular na noong panahon ng Himagsikan, maraming paring Pilipino ang nagpamalas ng kanilang maalab na pagmamahal sa bayan.

Sa pakikipaglaban sa kalayaan at mga karapatan, may mga paring Pilipino na hindi masikmura at matagalan ang panunupil ng mga Kastila at ang naranasang kawalan ng katarungan. Kabilang dito sina Padre Mariano Gomez, Jose Burgos at Jacinto Zamora na mas kilala sa tawag na GOMBURZA—tatlong paring Pilipino na sa panahon pa lamang ng kanilang pag-aaral ay nakaukit na sa puso ang maalab na pag-ibig sa bayan.

Sina Gomburza ang pinaghandugan ng ating pambansang bayaning Dr. Jose Rizal ng kanyang nobelang “El Filibusterismo”.

Narito ang bahagi ng sinabi ng ating pambansang bayani tungkol kina Gomburza: “Ang Relihiyon, sa pagtangging hubdan kayo ng karangalan, ay inilagay sa alinlangan ang kasalanang ipinataw sa inyo; nagpakilalang may kamaliang nagagawa sa loob ng mga sandaling kasindak-sindak; at ang buong Pilipinas, sa pagsamba sa inyong alaala at sa pagtawag na MGA MARTIR sa inyo ay hindi kumikilala sa inyong pagkakasala. Ang inyong kaugnayan sa Himagsikan sa Cavite ay hindi pa napatutunayan, naging makabayan man kayo o hindi, ay may karapatan akong ihandog sa inyo ang aking akda bilang mga sinawi ng mga kasamaang aking babakahin”.

Night Owl

Marupok ang demokrasya—ngunit nasa mamamayan ang tunay na lakas nito

Ayon sa kasaysayan, matapos isangkot sa Himagsikan sa Cavite noong Enero 20, 1872 at ang mock trial, sunud-sunod na ginarote sina Gomburza noong umaga ng Pebrero 17, 1872 sa Bagumbayan na ngayon ay Luneta at Rizal Park. Ang Bagumbayan ay masasabing pinakasagradong lugar sapagkat natilamsikan ito ng dugo ng mga Pilipinong sumigaw at humingi ng kalayaan sa kolonyal na panahon ng ating Bayang Magiliw at Perlas ng Silangan.

Pinakabata at pinakamatalino kina Gomburza ay si Padre Burgos na isnilang sa Vigan, Ilocos Sur. Siya ang nagpatuloy ng kilusang Sekularisasyon na sinimulan ni Padre Pedro Pelaez, ang itinuturing na kampeon ng mga paring Pilipino. Ang Sekularisasyon ay ang karapatan ng mga paring Pilipino na humawak at mangasiwa ng mga parokya.

Ang pang-aapi sa kalagayan at kawalan ng pagtitiwala sa potensiyal ng mga paring Pilipino ay magkatulong na ipinaglaban nina Gomburza. Ipinakilala sa mga prayle na ang mga paring Pilipino ay may kakayahang gumanap ng tungkulin sa mga parokya. Ngunit sila’y dinakip at isinangkot sa Himagsikan sa Cavite at hinatulan ng kamatayan.

Ang martyrdom nina Gomburza ay isang dakilang alaala na naiwan sa puso ng mga Pilipino—ang pag-ibig sa kalayaan at matibay na pagpapahalaga sa karapatan na kilalanin ang talino at kakayahan ng mga paring Pilipino. (Clemen Bautista)