Pormal nang sinampahan ng Department of Justice (DoJ) kahapon ng tatlong kaso na may kinalaman sa ilegal na droga ang dating kalihim ng kagawaran na si Senator Leila de Lima, sa Muntinlupa City Regional Trial Court, kaugnay ng pagkakasangkot umano sa kalakalan ng droga sa New Bilibid Prison (NBP).

Kinasuhan ng mga prosecutor ng DoJ si De Lima ng tatlong bilang ng illegal drug trading sa ilalim ng Section 5 (pagbebenta) na may kaugnayan sa Section 3 (jj), Section 26 (b), at Section 28 (criminal liability of government officials and employees) ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o RA 9165.

Bukod kay Lima, inakusahan din ang dati niyang driver na si Ronnie Dayan at pamangking si Jose Adrian Dera, na kapwa nahaharap sa dalawang bilang ng kaso.

Kinasuhan din sina dating Bureau of Corrections (BuCor) Director General Franklin Jesus Bucayu; Wilfredo Elli, umano’y bagman ni Bucayu; Jaybee Sebastian, bilanggo sa NBP; National Bureau of Investigation (NBI) Deputy Director Rafael Ragos; at Joenel Sanchez, dating aide ni De Lima.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Inihain ang mga kaso makaraang magpalabas kahapon ang DoJ panel of prosecutors ng 52-pahinang resolusyon sa pinagsama-samang reklamong kriminal na isinampa laban sa senadora ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC); ng NBI; ng mga dating NBI deputy director na sina Reynaldo Esmeralda at Rule Lasala; at ni Jaybee Sebastian.

Sa nasabing resolusyon, ibinasura ang mga reklamo laban kay Justice Undersecretary Francisco Baraan III, sa mga bilanggong sina Herbert Colanggo, Engelberto Durano, Vicente Sy, Jojo Baligad at Peter Co.

‘VINDICTIVE POLITICS’

Reaksiyon naman ni De Lima: “This is the kind of vindictive politics that we only expect from this regime. Despite these fascist methods employed by this fascist regime, we will continue to fight this battle and wage our war for human rights and democracy.”

“In the end, justice will prevail and we will be vindicated,’’ dagdag pa niya. “My lawyers are already on top of the situation and will be filing the corresponding motions as soon as the cases are raffled to a specific branch.”

Samantala, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang panayam kahapon na marapat lang na harapin ni De Lima ang mga kasong kinahaharap nito.

“She has to face the music. Actually ilang testigo ‘yan, it took months to develop the case. Alam naman ng Pilipino ‘yan. Alam ng Pilipino na ganun talaga ang istilo niya,” ani Duterte.

Kinasuhan si De Lima ilang oras makaraang tanggihan ng Court of Appeals (CA) ang hinihiling na temporary restraining order (TRO) ng senadora upang pigilan ang DoJ sa pagsusulong ng mga kaso laban sa kanya.

(BETH CAMIA, JEFFREY DAMICOG, MARIO CASAYURAN at ARGYLL CYRUS GEDUCOS)