Sa kanyang pagharap kahapon sa pagdinig ng Senado, sinabi ng retiradong police general na si Wenceslao “Wally” Sombero na nagkaroon ng “extortion and pay-off” sa mga dating opisyal ng Bureau of Immigration (BI) upang mapalaya ang ilan sa mahigit 1,000 empleyadong Chinese ng gambling mogul na si Jack Lam na inaresto sa ilegal na pagtatrabaho sa bansa.

Sa kanyang pagharap sa ikaapat na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa P50-milyon bribery scandal at sa magkahiwalay na pagtatanong nina Senators Francis “Chiz” Escudero at Joel Villanueva, umamin si Sombero na nagkaroon ng extortion.

“May extortion po,” sinabi ni Sombero, idinagdag na nangyari ito noong Nobyembre 26, 2016 habang ang “pay-off” ay nangyari naman kinabukasan, Nobyembre 27.

Inamin niyang nagsilbi siyang middleman at iniabot ang P50 milyon sa sinibak na BI deputy commissioners na sina Al Argosino at Michael Robles, at inamin ding tumanggap ng P10 milyon mula sa kampo ni Lam.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Itinanggi naman niyang nakakuha siya ng P2 milyon mula sa P50 milyon na umano’y ibinigay sa mga opisyal ng BI.

“Hindi po ako ang nagbigay ng pera, pero ako po ang nag-abot,” sinabi ni Sombero, na ikinainis ni Blue Ribbon panel chairman Senator Richard Gordon.

“Don’t be a smart aleck, don’t give us the runaround,” galit na ani Gordon.

Ayon kay Sombero, natagalan bago nakapagdesisyon ang mga “business partner” ni Lam na maglabas ng P100 milyon na hinihingi umano ng mga opisyal ng BI.

Kasabay nito, inabsuwelto ni Sombero si Department of Justice (DoJ) Secretary Vitaliano N. Aguirre II, gayundin si BI Commissioner H. Morente sa bribery scandal.

Gayunman, sinisi ni Gordon si Aguirre sa pagpapabaya sa kaso sa hindi pagbabanta o pagtatangkang arestuhin si Sombero nang hilingin nitong maging padrino ni Lam ang kalihim.

“That was a seduction (leading to bribery),” ani Gordon.

Gaya ni Aguirre, nilinis din ng negosyanteng ni Atong Ang, business partner ni Lam, sina Aguiree at Morente sa usapin.

“Not Morente and Aguirre, but Argosino and Robles, yes,” sabi ni Ang, na isa sa mga humarap sa pagdinig kahapon.

“Sila (Argosino at Robles) ang humingi ng pera.”

Todo-tanggi naman si Argosino: “I did not extort. Isinalya sa amin ang pera nina Sombero, Norman Ng, Alexander Yu and Jack Lam.”

Gaya ng dati, bigo ang Senado na mapaamin sina Argosino at Robles sa usapin. (Charissa M. Luci at Leonel M. Abasola)