lbc copy

PILI, Camarines Sur – Tatlong minuto at tatlong segundo.

Sa labanang naghihintay ang aberya at iba pang aspeto dulot ng kalikasan at pagkakataon, ang 183 segundo na bentahe ni Navyman Rudy Roque ay wala pang tibay para masigurong tapos na ang laban.

Hindi maitatangi ni Philippine Navy-Standard Insurance coach Reinhard Gorrantes na posible pang maagaw ang liderato, higit kung hindi mag-iingat at magtutulungan ang bawat isa.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

“Maaga pa. Mahaba pa ang karera kaya hindi pa natin tiyak kung safe na ang bentahe ni Roque,” pahayag ni Gorrantes.

“Kaya importante na makaiwas sa aberya at ma-proteksyunan ng ating mga rider ang isa’t isa. Kung magpapabaya sila, walang dahilan para hindi makasingit ang kalaban.”

Iginiit ni Gorrantes na krusyal ang 227-km Stage Seven na babagtas sa kalsadahan ng mga lalawigan ng Quirino at Quezon ngayon, gayundin ang Stage Eight 183-km lap patungong Batangas para makatiyak nang katatagan sa kampanya ng Philippine Navy.

Ang Stage Nine sa Pebrero 19 ay isang criterium race na matatapos sa Paseo sa Sta. Rosa.

“Krusyal ang susunod na tatlong stages. Kung mananatili kami sa unahan, malaki ang tsansa sa individual at team competition,” sambit ni Gorrantes.

Napanatili ng Navy Team ang kapit sa liderato nang pagbidahan ang 46.6-km Pili-San Jose Stage Six Team Time Trial nitong Martes. Gayundin, nanatili ang kapit sa top 4 sa individual race ng magkakasanggang sina Roque, Ronald Lomotos, Daniel Ven Carino at defending titlist Jan Paul Morales.

Matapos makuha ang red jersey sa unang araw ng karera, tangan ni Roque ang kabuuang tyempo na 18 oras, 12 minuto at 48 segundo. Nakabuntot sina Lomotos (18:13:47), Carino (18:14:43) at Morales (18:15:51).

Hindi kalayuan si Cris Joven ng Philippine Army-Kinetix Lab sa No. 5 overall sa tyempong 18:15:51.

Kasama sa Top 10 sina Go for Gold’s Elmer Navarro (18:17:57), RC Cola-NCR’s Leonel Dimaano (18:18:01), Go for Gold’s Ismael Grospe, Jr. (18:19:02), Army’s Lord Anthony del Rosario (18:19:44) at Go for Gold’s Jonel Carcueva (18:20:33).

Iginiit naman ng 31-anyos na si Morales, target ang back-to-back title sa torneo, na pinaka-krusyal sa kampanya ng lahat ang 40-km Individual Time Trial Stage 12 na nakatakda sa Marso 12 sa Iloilo City.

“Mahirap ang ruta sa ITT sa Iloilo City. Malaki ang tyansa na maligaw ka na maging dahilan na makainan ka ng mahigit apat na minuto,” pahayag ni Morales, pambato ng Calumpang, Marikina.

“Para makasiguro ng panalo, tingin ko kailangan hawak mo ang bentahe na mahigit anim na minuto after the ITT race,” aniya.

Kumpiyansa naman si Joven, 30, na mababasag niya ang depensa na itinatayo ng Navymen.

“Hindi pa sila safe. May walong stages para, maraming puwedeng mangyari,” pahayag ni Joven, ipinagmamalaki ng Iriga, Camarines Sur.

Marubdod ang hangarin ng bawat kalahok, ayon kay Joven, higit at naghihintay ang P1 milyon premyo mula sa presentor LBC, sa pakikipagtulungan ng MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.

“Sulit ang pagod at sakripisyo sa premyo. Kaya hangga’t kaya, hihirit tayo,” aniya.