Hindi na humihinga ang isang babae nang puntahan siya sa kanyang kuwarto sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Dakong 8:05 ng gabi nang madiskubre ang bangkay ni Memia Tiamson, tinatayang nasa edad 55-59, tubong Bacolod, at stay-in housemaid sa 631-A E. Quintos Street sa Sampaloc.

Sa ulat ni SPO1 Joseph Kabigting, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), kadarating lang sa bahay ni Magrace Lustria, 27, amo ng biktima, mula sa kanyang trabaho nang mapansing nawawala ang katulong kaya hinanap niya ito.

Pag-akyat umano ni Lustria sa kuwarto ni Tiamson ay nakita niya itong nakahiga sa kama kaya naisip niya’y nakatulog ito sa sobrang pagod ngunit nakailang tawag na siya ay hindi pa rin kumikilos.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Dito na umano nilapitan ni Lustria ang kanyang katulong hanggang sa nadiskubre niyang patay na ito.

Kaagad namang tinawagan at pinauwi ni Lustria ang kanyang kapatid na si Anthony, 30, na siyang nag-report sa awtoridad.

Ayon sa awtoridad, posibleng inatake ang biktima matapos sabihin ni Lustria na may hypertension ang biktima at nagme-maintenance na ito. (Mary Ann Santiago)