TTT stage, dinomina ng PN-Standard Insurance.
SAN JOSE, Camarines Sur – Maging sa labanan sa team competition, walang balak bumitaw ang Philippine Navy-Standard Insurance.
Sumibat ang Neavymen -- tangan ang plano at diskarte -- sa impresibong paglalakbay sa bilis na isang oras, walong minuto at 16 segundo para tampukan ang Stage Six Team Time Trial ng 2017 LBC Ronda Pilipinas kahapon na nagsimula sa Camsur Watersports Complex sa Pili at nagtapos sa pamahalahang panglunsod ng San Jose.
Hindi man naabot ang target na mas mababa sa isang oras, ang tagumpay ng Navy-Standard Insurance sa 46.6-km lap ay sapat na para mapalawig ang bentahe para sa team event tangan ang oras na 72:48:47.
Sumengunda ang Philippine Army-Kinetex Lab na pinangungunahan ni Stage Five winner Cris Joven (1:11:25), kasunod ang Go for Gold (1:11:51), Bike Extrme (1:12:07) at Ilocos (1:13:04).
Pumangalawa naman ang Go for Gold, pinangungunahan ni Ronnel Hualda, sa overall standings tangan ang kabuuang oras na 73:09:42, may 20 minuto ang layo sa Navy. Nasa ikatlong puwesto ang Philippine Army-Kinetix Lab (73:21:41).
Ikinalugod ni Navy captain Lloyd Lucien Reynante ang naging sagot ng kanyang mga kasangga sa kanyang hamon na magpakatatag.
“Determinado ang bawat isa. Nagawa namin kung ano yung plano dahil talagang pinag-usapan namin ang diskarteng gagawin,” pahayag ng 38-anyos na si Reynante.
Huling grupong binitiwan sa starting line, isang bisig ang Navymen sa pagsikad simula kay Reynante kasunod sina LBC red jersey wearer Rudy Roque, Ronald Lomotos, Daniel Ven Carino, Jan Paul Morales, Joel Calderon, Jay Lampawog at Archie Cardana.
Sinalubong sila ng hiyawan at palakpakan ng crowd na matiyagang naghintay sa finish line, kabilang si City Mayor Antonio Chavez.
Tigil pedal muna ang 14-stage race ngayon para makabawi ng sapat na lakas ang mga kalahok tungo sa paglarga sa Stage Seven 227-km race na tatahak sa mga kalsada ng Quirino at Quezon bago magtapos sa Daet, Camarines Norte.
Balik din ang hatawan para manatili sa top 10 ng individual race.
Nangunguna si Roque sa kabuuang tyempo na 18 oras, 12 minuto at 48 segundo, kasunod sina Lomotos (18:13:47), Carino (18:14:43) at Morales (18:15:51).
Tumataginting na P1 milyon ang naghihintay sa kampeon sa cycling marathon na inorganisa ng LBC, sa pakikipagtulungan ng MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.