Nina FER TABOY, FRANCIS WAKEFIELD, MIKE CRISMUNDO at MARY ANN SANTIAGO

Kasabay ng apela ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa New People’s Army (NPA) na huwag atakehin ang mga sundalong tumutulong sa search at retrieval operations para sa mga naapektuhan ng lindol sa Surigao City, Surigao del Norte, nagdeklara kahapon ang mga rebelde ng ceasefire sa buong lungsod.

Ang tigil-putukan ay idineklara ni Kumander Oto, ang tagapagsalita ng Guerilla Front Committee 16 ng NPA, sa buong Surigao City at naging epektibo ganap na 6:00 ng gabi nitong Sabado.

Inatasan ni Kumander Oto ang lahat ng unit ng NPA na ikansela ang lahat ng pinlanong tactical offensive hanggang sa maihatid ang lahat ng kinakailangang ayuda sa mga naapektuhan ng lindol sa siyudad.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa ngayon, aniya, ay nasa active defense mode lang ang NPA upang matiyak na madedepensahan ang kilusan sa anumang posibilidad ng pag-atake ng militar.

Ikinatuwa at malugod namang tinanggap ni Lt. Col. Rico Amaro, commander ng 30th Infantry Battalion ng Philippine Army, ang pagdedeklara ng ceasefire ng NPA, kasunod ng apela ng AFP sa mga rebelde.

“Allow the soldiers every opportunity to help the victims of the earthquake,” una nang sinabi ni AFP Public Affairs Office chief Marine Col. Edgard Arevalo. “We urge you not to attack our soldiers, or in any other ways disrupt the AFP’s rescue and rehabilitation activities for our people.”

RESCUE AT DISASTER RESPONSE OPERATIONS

Bandang 10:22 ng gabi nitong Biyernes ay ipinakalat na ni Major Gen. Benjamin Madrigal, Jr., commander ng 4th Infantry Division, ang kanyang mga tauhan upang magsagawa ng search and rescue operations sa mga residente at magsagawa ng paunang damage assessment sa mga kalsada, istruktura at pasilidad sa lungsod.

Kaagad namang nakipag-ugnayan si Lt. Col. Amaro sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Surigao del Norte at CDRRMO ng Surigao City para sa disaster response operations.

Batay sa datos na inilabas kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), may kabuuang 1,034 na pamilya o 5,170 katao mula sa limang munisipalidad sa Surigao del Norte ang naapektuhan ng 6.7 magnitude na yumanig sa siyudad.

Kinilala naman ni NDRRMC Executive Director Ricardo B. Jalad ang apat sa mga nasawi na sina Robert Eludo Jr., 40, ng Barangay Bilabid; JM Ariar, 4, ng Bgy. Ipil; Lito R. Wilson, 36, ng Bgy. San Juan; at Lorenzo L. Dequino, 86, ng Bgy. Poctoy, Surigao City.

Sinabi rin ni Jalad na batay sa datos dakong 8:00 ng umaga kahapon, may kabuuang 202 katao ang nasugatan sa lindol, habang 1,034 na bahay naman ang nasira, bukod sa iba pang mga istruktura, kalsada at tulay.

PSYCHO-SOCIAL DEBRIEFING

Samantala, hanggang kahapon ay tuluy-tuloy na nakapagtatala ng aftershocks sa Surigao City, ayon sa Philippine Institute Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Ayon sa Phivolcs, bandang 10:35 ng umaga nang yumanig ang 3.3 magnitude may 12 kilometro sa timog-kanluran ng Surigao City at may lalim na isang kilometro.

Kasunod ito ng dalawa pang pagyanig na may lakas na 2.5 at 2.4 magnitude sa siyudad, kahapon ng madaling araw.

Sa harap ng matinding trauma ng mga residente ng siyudad, nagpadala kahapon ang Department of Health (DoH) ng mga psychiatrist at psychologist sa lalawigan para magkaloob ng psycho-social debriefing sa mga naapektuhan ng lindol.

Bukod dito, sinabi ni Health Secretary Paulyn Jean Ubial, na nagpadala rin ang kagawaran ng apat na medical team mula sa mga kalapit na rehiyon, gayundin ng mga tent, gamot at iba pang kakailanganin ng mga biktima.