LUCENA CITY — Kung kinaya niyang makipag-ratratan sa mga liyamadong karibal, tiwala si Cris Joven ng Philippine Army-Kinetix Lab na magagawa niyang makaulit o higit pa sa pagbabalik ng aksiyon ngayon sa paglarga ng Stage Five na magsisimula sa mayuming lungsod at magtatapos sa dinarayong Camsur Watersports Complex sa Pili, Camarines Sur.

Tuluyang nakawala ang 30-anyos na si Joven nang masingitan si defending champion Jan Paul Morales sa Stage Four nitong Huwebes. Matapos ang dalawang araw na pahiya at paghahanda para sa mas mapaghamong ruta, mataas ang moarel ni Joven para tuluyang makalapit sa liderato sa individual standings kung saan naghihintay ang P1 milyon na premyo kaloob ng presentor LBC.

May distansiyang 251-km ang Stage Five ng cycling marathon na itinuturing pinaka-prestihiyoso sa local cycling race tournament.

“medyo nakapagpahinga ng husto. Kung nagawa nating manalo ng isang stage, hindi na imposible na makaulit,” pahayag ni Joven.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Higit ang nadaramang tuwa at kumpiyansa ni Joven dahil mapapanood siya ng kanyang mga kababayan at kaanak bilang isang pambato ng iriga, Camarines Sur.

“Hindi man madaanan ‘yung lugar ko, tiyak ang suporta sa akin ng mga kababayan kong Bikolano. Nakakatuwa at mas lumalakas ang loob ko sa laban,” aniya.

Matapos ang panalo sa Stage Four, tangan ni Joven ang kabuuang tyempo na 11 oras, 13 minuto at 45 segundo – halos apat at kalating minuto ang layo sa nangungunang si Rudy Roque ng Philippine Navy-Standard Insurance at halos tatlong minuto sa pumapangalawa at katropa nitong si Morales.

Tangan nina Roque at Morales ang oras na 11:12:15 at 11:13:45, ayon sa pagkakasunod.

Impresibo ang nagawa ni Morales na tumalon sa No.2 mula No.20 bunsod ng dalawang panalo sa Vigan, Ilocos Sur at Subic.

“I like my chances, In just need to race intelligently and pace myself,” sambit ni Morales, pambato ng Calumpang, Marikina.

Iginiit naman ng 25-anyos na si Roque na krusyal ang Stage Five sa kanyang kampanya na mapanatili ang kapit sa ‘red jersey’.

“Ito talaga ang pinaka-kritikal ang Stage Three, Four at Five,” sambit ni Roque.

Nasa ikatlong puwesto si Ronald Lomotos ng Navy-Standard (11:14:33) kasunod sina Ryan Serapio ng Ilocos Sur (11:16:07).

Nasa top 10 sina Navy’s Jay Lampawog (11:16:12), Kinetix Lab-Army’s Reynaldo Navarro (11:16:21), Go for Gold’s Joshua Mari Bonifacio (11:16:28), Navy’s Daniel Ven Carino (11:16:35) at Go for Gold’s Ismael Grospe, Jr. (11:17:43).

Itinataguyod ang torneo ng MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.