Pinagtatawanan ang gobyerno dahil pinabayaan nitong makaalis sa bansa ang isa sa mga personalidad na idinadawit sa umano’y pagtatangkang panunuhol ng Chinese casino operator na si Jack Lam sa ilang mataas na opisyal ng Bureau of Immigration, sinabi ng Sen. Richard Gordon kahapon.
Ito ang reaksiyon ni Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, matapos ihayag ni Immigration Commissioner Jaime Morente na nakaalis si Wally Sombero kahit na naglabas ng lookout bulletin ang Department of Justice (DoJ) para sa kanya.
Si Sombero, na malapit kay Lam, ang sinasabing nag-alok ng P50 milyon kina Immigration Associate Commissioners Michael B. Robles at Al C. Argosino matapos arestuhin ng Bureau of Immigration ang 1,316 na empleyado sa online casino ni Lam sa Clark Freeport Zone noong isang taon.
Sinisiyasat ng Blue Ribbon Committee ang sinasabing bribery attempt.
Sa hearing kahapon, inihayag ni Morente na umalis si Sombero mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Enero 17 sa kabila ng lookout bulletin.
Aniya, hindi pinigilan ng isang Immigration officer sa NAIA na umalis si Sombero dahil ang pangalan sa kanyang passport ay Wally Sombero at ang nasa lookout bulletin naman ay Wenceslao Sombero.
Nababawan si Gordon sa paliwanag ni Morente. Aniya, hindi man lang nagpurisige ang immigration officer na malaman kung si Wally Sombero at Wenceslao Sombero ay iisang tao.
“We are being dribbled here. We are now the laughing stock of the world,’’ sabi ni Gordon.
Nagbanta si Gordon na ipadarakip niya si Sombero kapag hindi nakapagbigay ang abogado nito na si Ted Contacto ng medical record mula sa isang ospital sa Vancouver, Canada, kung saan siya nagpapagamot para sa heart problem.
Ngunit ayon kay Contacto, nasa Singapore pa si Sombero dahil hindi pinayagang makasakay sa eroplano bunga ng kanyang karamdaman.
“Medical observation does not sound like an emergency. We have enough doctors here in Manila who can take care, I’m sure, of his problem, unless he has a problem on terminological inexactitude,” ani Gordon.