OAKLAND, California (AP) – Sa unang siyam na minuto, nasiguro ng Golden State Warriors ang tagumpay at makaiwas sa ‘back-to-back’ na kabiguan.

Pinangunahan ni Klay Thompson ang ratsada ng Warriors sa final period para mapasuko ang Chicago Bulls, 123-92, nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila) sa Oracle Arena.

Nakihamok ang Bulls sa kabila nang kakulangan sa player sa kaagahan ng first period, bago nadomina ng Warriors sa sumunod na apat na minuto tungo sa isa pang ‘blowout win’ at kabuuang ika-43 sa 51 laro.

Hataw ang reigning three-point champion sa naiskor na 13 sunod na puntos para makalayo mula sa 11-pagtatabla. Mula rito, hindi na nakaramdam ng hamon ang Warriors mula sa Bulls.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Bunsod ng panalo, napanatili ng Warriors ang record na hindi pa natatalo ng back-to-back ngayong season. Nabigo sila laban sa sacramento Kings nitong Linggo.

Naglaro ang Bulls na wala sina leading scorer Jimmy Butler at Dwyane Wade.

Nanguna si Thompson na may 28 puntos, habang kumana si Kevin Durant ng 22 puntos at nag-ambag si Steph Curry ng 13 puntos.

CLIPPERS 119, KNICKS 115

Sa New York, naitala ni Blake Griffin ang season-high 32 puntos para sandigan ang Los Angeles Clippers kontra New York.

Nag-ambag si DeAndre Jordan ng 28 puntos at 15 rebound para sa Clippers, naghabol sa 10 puntos na bentahe ng karibal sa fourth quarter para tuldukan ang three-game losing skid.

Nanguna sa Knicks si Carmelo Anthony sa natipang 28 puntos at kumubra si Kristaps Porzingis ng 27 puntos.

HEAT 106, BUCKS 88

Sa Milwaukee, nahila ng Miami Heat ang winning streak sa 12 nang gapiin ang Milwaukee Bucks.

Hataw si Hassan Whiteside sa naisalansan na 23 puntos at 16 rebound.

Lalong sumama ang opensa ng Bucks nang ilabas si star guard Jabari Parker bunsod ng injury may 6:34 ang nalalabi sa third period. Nanguna sa Bucks si All-Star forward Giannis Antetokounmpo na amy 22 puntos at walong rebound.

CAVALIERS 132, PACERS 117

Sa Indianapolis, naitala ni Kyle Korver ang season-high 29 puntos, habang kumana si LeBron James ng 25 puntos sa panalo ng Cleveland Cavaliers kontra Pacers.

Nag-ambag si Kyrie Irving ng 29 puntos.

Nanguna sa Pacers si C.J. Miles sa nakubrang 23 puntos, habang humakot si Jeff Teague ng 22 puntos at 14 assist.

SPURS 111, 76ERS 103

Sa Philadelphia, ginapi ng San Antonio Spurs, sa pangunguna ni Kawhi Leonard na may 32 puntos, ang Philadelphia 76ers.

Hataw sa Sixers sina Jahlil Okafor at Dario Saric na may tig-20 puntos.

Sa iba pang laro, naungusan ng Washington Wizards ang Brooklyn Nets, 114-110 (OT); dinagit ng Atlanta Hawks ang Denver Nuggets, 117-106; hiniya ng Detroit Pistons ang Los Angeles Lakers, 121-102; tinakluban ng Memphis Grizzlies ang Phoenix Suns; nilapa ng Minnesotta Timberwolves ang Toronto Raptors; nihawla ng Utah Jazz ang New Orleans Pelicans.