Hiniling ni Sen. Paolo Benigno Aquino IV kahapon na isuko ng National Democratic Front (NDF) ang mga rebelde na pumatay sa mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Mindanao nitong nakaraang linggo kung nais nilang matuloy ang nabalam na usapang pangkapayapaan.

“While peace is the ultimate goal, parties must come to the table in good faith,” diin ni Aquino.

Idineklara ni President Duterte noong Linggo ang Communist Party of the Philippines (CPP), New People’s Army (NPA) at NDF bilang mga terorista at iniutos na muling arestuhin ang mga rebeldeng pinalaya para dumalo sa peace talks sa Norway.

Sinabi ni Armed Forces of the Philippines chief of staff Gen. Eduardo Ano, na ang mga pananambang ng mga NPA noong nakaraang linggo ay nakakawalang-tiwala at nakababahala. Habang tinitiyak aniya ni NDF chief communist negotiator Fidel Agcaoli sa publiko na magpapatuloy ang unilateral ceasefire, inaatake naman ng CPP-NPA ang mga sundalo na nagsasagawa ng community support.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Aniya, ang mga pag-atake ay nagresulta sa pagkamatay ni 2nd Lt. Miguel Victor Alejo at lima pang sundalo, at pagdukot sa tatlong iba pa sa hilagang Mindanao.

Sinabi ni AFP-Public Affairs Office chief Marine Col. Edgard Arevalo na susunod ang militar sa mga pahayag ng Pangulo at kung ano ang nararapat.

“We understand his expression of exasperation over the NPA’s lack of sincerity in doing its part in the erstwhile peace negotiations,” aniya.

Ngunit para kay Sen. Francis Pangilinan, dapat bigyan ng pagkakataon ang kapayapaan.

“The road to peace is not easy and is fraught with obstacles but it is still a road we must traverse if we are to succeed in finally joining the ranks of modern and progressive nations in the world,’’ aniya.

MAY KASO PA

Sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na dapat nang umuwi sa bansa ang peace negotiators ng CPP-NPA-NDF na kasalukuyang nasa Oslo, Norway at iniutos ang pag-aresto sa mga ito, dahil hindi na applicable ang mga protocol ng Geneva Convention.

Ipinaliwanag ni Lorenzana na ang mga miyembro ng CPP-NPA-NDF peace panel ay nahaharap pa rin sa mga kasong kriminal dahil sila ay hindi binigyan ng pardon o amnesty.

“So they should come back and face the charges against them,” ani Lorenzana.

EMOSYONAL LANG

Binalewala naman ni NDF senior adviser Luis Jalandoni ang deklarasyon ng Pangulo na mga terorista ang CPP-NPA.

Aniya, “emotional reaction” lamang ng Pangulo ang naging pahayag nito sa harap ng mga pamilya ng namatay na sundalo sa Bukidnon.

Sa panayam ng DZMM kahapon, sinabi ni Jalandoni na naniniwala pa rin siya sa sinabi noon ni Duterte na gusto nito ng peace talks at maresolba ang iba’t ibang usapin, kagaya na ng land reform, national industrialization at kahirapan.

Tiniyak ni Jalandoni ang kanilang pangako sa peace negotiations at hindi sususpindihin ng NDF ang negosasyon sa gobyerno hanggang wala silang natatanggap na written notice tungkol dito.

IBANG SOLUSYON

Hinimok ng isang obispo sa Mindanao ang gobyerno na pagtuunan ng pansin ang kahirapan matapos mabigo ang peace negotiations.

Naniniwala si Marbel Bishop Dinualdo Gutierrez na ang kahirapan ang isa sa mga rason kung bakit nahihikayat ang ilang tao na sumali sa mga rebeldeng grupo.

“What the government should do is solve the problem of poverty. If the situation of the poor improved, groups like the New People’s Army will have difficulty recruiting members,” aniya sa isang pahayag.

Dapat ding tugunan ng pamahalaan ang mga abusadong awtoridad at ireporma ang justice system.

“For me, there are other solutions to this (peace problem). Let’s solve the economic, political, judicial and even the citizenry also. The citizens must be educated to be more civic-minded,” ani Gutierrez.

(Mario B Casayuran, Fer Taboy, Francis T. Wakefield at Leslie Ann G. Aquino)