BINUKSAN na sa mga motorista at maayos nang nadaraanan ang Highway 2000 sa Taytay, Rizal.
Ang Highway 2000 ay isang diversion road sa bahagi ng Barangay San Juan sa Taytay, na ang mga motorista at maging mga pampasaherong jeep patungong Metro Manila ay hindi na kailangang dumaan sa Ortigas Avenue Extension sa Taytay at Cainta.
Ang dulo ng Highway 2000 ay nasa Manggahan Floodway at Barkadahan Bridge. Makaiiwas na sa trapiko sa Ortigas Avenue Extension ang mga patungo ng Metro Manila.
Ayon kay District Engineer Roger Crespo, ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Rizal Engineering District 1,ang Highway2000 ay may luwang na dalawang lane sa pagpasok sa likod ng palengke ng Taytay, at makalampas ng palengke ay may luwag na apat na lane.
Ang Highway 2000 ay proyektong sinimulan ni dating dating Taytay Mayor Gody Valera. Magkatulong itong pinondohan ng pamahalaang panlalawigan ng Rizal at ng Unang Distrito ng Rizal sa pangunguna nina dating Rizal Gov. Casimiro “Ito” Ynares, Jr. at Rizal Congressman Bibit Duavit.
Naging sementado ang Highway 2000. Natuwa ang mga taga-Rizal sapagkat naligtas na sila sa trapiko sa Ortigas Avenue Extension. Ngunit makalipas ang ilang taon, unti-unting nasira ang Highway 2000; naging lubak-lubak, maputik at binabaha kung tag-ulan at maalikabok naman kapag tag-araw. Ang pagdaan ng malalaking truck ang naging dahilan ng pagkasira ng Highway 2000.
Upang muling maayos ang Highway 2000, inilapit ng lokal na pamahalaan ng Taytay ang problema kina dating Rizal Gov. Jun Ynares (mayor ngayon ng Antipolo) at Rizal Rep. Joel Roy Duavit. Nagtulong sila upang makakuha ng pondo sa DPWH, ngunit matagal na nabimbin ang nasabing pondo.
Naging malaking tulong na ma-release ang pondo nang malipat sa DPWH Rizal Engineering District 1 si Engineer Crespo.
Kasama sina dating Rizal Gov. Jun Ynares at Rizal Rep. Joel Roy Duavit, kinausap nila si dating DPWH Secretary Rogelio Singson. Ipinaliwanag na mabuti ni Engineer Crespo ang tunay na kalagayan ng Highway 2000 at ang paghihirap na dinaranas sa biyahe ng mga motoristang taga-Rizal.
Napondohan ang Highway 2000, na may dalawang bahagi. Ang... unang bahagi ay DPWH Rizal Engineering District ang nagpagawa, habang DPWH-Region IV-A naman ang tumapos sa ikalawang bahagi.
Sinimulan ang pagsasaayos ng Highway 2000 matapos ang ground breaking ceremony noong Enero 5, 2015. Nagpaabot ng matapat na pasasalamat sa DPWH sina Gov. Nini Ynares, dating Congressman Duavit at dating Gov. Ynares, gayundin ang lokal na pamahalaan ng Taytay at ang mga taga-Rizal.
Kapansin-pansin na habang ginagawa ang Highway 2000 ay unti-unti ang pagdami ng itinatayong business establishment sa kaliwa at kanang bahagi ng highway, partikular sa bukana nito sa Manggahan Floodway sa Taytay. (Clemen Bautista)