Nina AARON RECUENCO, FER TABOY at CHARISSA LUCI
Sisimulan na bukas ng bagong anti-scalawag unit ng Philippine National Police (PNP) ang nakalululang tungkulin nito laban sa mga tiwaling pulis.
Sinabi ni PNP Chief Director Gen. Ronald dela Rosa na lumagda na siya sa memorandum na lumilikha sa Counter-Intelligence Task Force (CITF) ng pulisya, na pamumunuan ni Senior Supt. Chiquito Malayo.
“Probably, it would be launched by Monday and they will be ready to receive complaints and information about rogue cops,” sabi ni Dela Rosa.
Ayon kay Malayo, uunahin ng task force ang pagtukoy sa lahat ng target nito.
“I need to identify who are our targets then I need to plan out how to execute the neutralization,” sabi ni Malayo. “We will be using the intelligence approach, as well as the tactical approach.”
Binigyan lamang ng 100 tauhan laban sa mga police scalawag, aminado si Malayo na napakahirap ng tungkuling ibinigay sa kanya dahil kapwa pulis ang kanilang tutugaygayan.
“It’s challenging because we will be looking at those people who are trained by the government, issued with firearms, and they’ll be using these firearms to perpetrate their criminal activities,” paliwanag ni Malayo.
Gayunman, sinabi niyang gagawin niya ang lahat upang hindi mabigo ang pagtitiwala sa kanya ng PNP Chief.
Sa kasalukuyan, nasa 50 operatiba ng elite na Special Action Force (SAF) ang dumating na sa Camp Crame sa Quezon City. Ang mga police commando ang magsisilbing mga paunang tauhan ng CITF.
Ayon kay Dela Rosa, umaasa siyang mas marami pang pulis ang mapapabilang sa CITF sa mga susunod na araw, kaya kinakailangan na niyang humanap ng tutuluyan ng mga anti-scalawags police.
Kaugnay nito, ininspeksiyon na ni Dela Rosa nitong Biyernes ang malaking parking space sa compound ng nabuwag na Anti-Illegal Drugs Group (AIDG) na napipisil niyang gawing barracks ng mga tauhan ng CITF.
Matatandaang binuwag ni Dela Rosa, sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang AIDG dahil sa pagkakasangkot nito sa kidnap-slay sa Korean na si Jee Ick-joo noong Oktubre 18, 2016. Sa mismong Camp Crame pa umano pinatay ang dayuhan at makalipas ang ilang araw ay hiningan ng ransom ang pamilya nito.
KOREAN MAFIA
Kaugnay nito, napaulat na inamin ni Dela Rosa na may kaugnayan ang Korean mafia at kumpetisyon sa negosyo ng mayayamang Korean ang pagpatay kay Jee, batay sa pagsisiyasat ng joint investigating task force ng PNP at National Bureau of Investigation (NBI).
Ayon kay Dela Rosa, lumalabas sa mga impormasyong nakukuha nila na gustong gawing sampol ng grupo ni SPO3 Ricky Sta. Isabel si Jee sa ibang mga Korean na may online gaming business para magbayad ang mga ito sa ilan umanong tiwaling taga-NBI.
Sinabi pa ni Dela Rosa na posibleng nais ng mga nasa likod ng sindikato na bigyan ng leksiyon si Jee dahil tumanggi umano itong magbayad.
Natukoy na matinong negosyante sa background checking, sinabi ni Dela Rosa na ayaw umano ni Jee na mabahiran ng katiwalian ang negosyo nito kaya hindi ito pumapayag sa “under the table activities” ng ilang tiwaling awtoridad.
MGA NABIKTIMA, DAPAT LUMANTAD
Kasabay nito, hinimok naman ni Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano ang mga nabiktima ng mga police scalawag na lumantad na at makipagtulungan sa CITF sa paglilinis sa PNP mula sa mga tiwali.
Aniya, kung hindi pa pumalo sa mahigit 6,000 ang mga pagpatay na may kaugnayan sa droga ay hindi pa malalaman ng gobyerno na may mga scalawag sa PNP—na matagal na aniyang nangyayari.
“That is over 6,000 lives that might have been victims of flawed law enforcement. With that, we also encourage other victims to come forward and report their cases. This could also aid in the cleansing of the PNP,” ani Alejano.