Gagamitin ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald Dela Rosa ang serbisyo ng elite na Special Action Force (SAF) ng pulisya laban sa mga police scalawag.

Ito ang naging direktiba ni Dela Rosa anim na buwan makaraang gamitin niya ang serbisyo ng SAF upang tulungan ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa pagpapatupad ng seguridad sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.

Sa ambush interview sa Camp Crame kahapon, sinabi ni Dela Rosa na nasa 70 operatiba ng SAF ang itatalaga sa bagong tatag na Counter Intelligence Task Force (CITF), na layuning tukuyin ang lahat ng pulis na nasangkot sa ilegal na aktibidad, ngunit naibalik pa rin sa serbisyo.

Una nang sinabi ni Senior Supt. Jose Chiquito Malayo, itinalaga para pamunuan ang CITF, na nasa proseso na sila ng pagpili sa mga tauhang magiging bahagi ng task force.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Sinabi ni Malayo na sa paunang bahagi ay mangangailangan ng 100 katao para sa CITF.

Ayon kay Dela Rosa, dumating na ang mga SAF commando at handa nang magtrabaho sa headquarters ng binuwag na Anti-Illegal Drugs Group (AIDG).

Dagdag pa ni Dela Rosa, bukod sa SAF, magiging miyembro rin ng CITF ang PNP Intelligence Group at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG). (Francis T. Wakefield)