Nagpalabas kahapon ang Supreme Court (SC) ng Writ of Amparo na may temporary protection order (TPO) sa isang nakaligtas at sa mga naulila ng apat na napatay sa operasyon ng “Oplan Tokhang” sa Payatas, Quezon City noong Agosto ng nakaraang taon.

Sa bisa ng TPO, pinagbabawalan ang mga pulis na sangkot sa operasyon “from entering within a radius of one kilometer from the residence and work addresses of the petitioners.”

Ipinalabas ang TPO pabor kay Efren Morillo, na nakaligtas sa nasabing operasyon ng pulisya, at sa kanyang mga kaanak na sina Martino Morillo at Victoria Morillo, gayundin para kina Ma. Belen Daa, Marla Daa, Maribeth Bartolay, Lydia Gabo, Jennifer Nicolas, at Marilyn Malimban.

Napatay sa nasabing operasyon noong Agosto 21, 2016 sa Group 9, Area B, Payatas sina Marcelo Daa, Jr., Raffy Gabo, Anthony Comendo, at Jessie Cule.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Kasabay nito, inatasan ng Kataas-taasang Hukuman ang Court of Appeals (CA) na magsagawa ng pagdinig sa kaso at tumanggap ng mga ebidensiya.

Inatasan ang CA “to immediately conduct the hearing on the petition and on the other interim reliefs prayed for, and decide the case within 10 days after its submission for decision.”

Binigyan naman ng limang araw ang mga respondent sa petisyon, sa pangunguna ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald dela Rosa, para tugunan ito.

Bukod sa Chief PNP, respondent din sa kaso sina Quezon City Police District (QCPD) Director Chief Supt. Guillermo Eleazar, QCPD Station 6 Commander Supt. Lito Patay, PO1 James Aggaral at PO1 Melchor Navisaga.

Ang Writ of Amparo ay isang espesyal na constitutional remedy para sa mga taong nilalabag o may banta ang karapatang mabuhay, maging malaya at maging ligtas.

Hiniling din ng nasabing petisyon — ang kauna-unahang idinulog sa Korte Suprema laban sa kontrobersiyal na kampanya kontra droga ng gobyerno at inihain ng Center for International Law — na suspendihin ang Oplan Tokhang sa Area B sa Payatas.

Magugunitang sinuspinde nitong Linggo ni Dela Rosa, sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang Oplan Tokhang sa bansa habang tinututukan muna ng PNP ang paglilinis sa hanay nito laban sa mga tiwali. (REY PANALIGAN at BETH CAMIA)