Siyam na katao na umano’y sangkot sa iba’t ibang krimen ang inaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa Quezon City, iniulat kahapon.

Sa report ni QCPD Director Police Chief Supt. Guilor Lorenzo T. Eleazar, kinilala ang unang inarestong suspek na si Raffy Salvador, 29, ng Barangay Sto. Domingo, Quezon City, na nakumpiskahan ng patalim at plastic sachet ng umano’y shabu.

Sumunod na inaresto ay si Christopher Dela Cruz, 39, ng No. 15 Int. Anonas, Bgy. Claro, Project 3, Quezon City, dahil sa kasong pagnanakaw.

Sinundan ito nina Roel Dayandayan, 19, ng Barangay 3-E Anonas, Project 2, Quezon City; Renato Surio, 28, ng Bgy. 1 Pambujan, Project 2, dahil sa kasong alarm and scandal, physical injury at oral defamation.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Pagsapit ng 7:30 ng gabi, inaresto ng mga operatiba ng Talipapa Police Station 3 si Joselito Dichoso, 34, ng No. 41 Camachile, Balintawak, Bgy. Unang Sigaw, matapos umanong saksakin ang kanyang kaaway na si Arnold Padesterio, 26, ng Dimaano Compound, Balon-bato.

Inaresto rin ng mga pulis si Padesterio.

Dakong 9:30 ng gabi naman inaresto ng Novaliches Police Station 4 si Gerald Patagan, 20, ng Novaliches, dahil sa kasong attempted murder.

Samantala, dakong 10:00 ng gabi inaresto naman sa kasong threats at unjust vexation si Leo Tiozon, 48, ng Pinatubo Street, Bgy. San Martin De Porres, Cubao.

At dakong 11:30 ng gabi pinosasan ng mga operatiba ng Batasan Police Station 6 si Jeffrey Roque , 19, dahil sa umano’y panghahalay sa isang 15-anyos na estudyante. (Jun Fabon)