KINORONAHAN ang French dental surgery student bilang Miss Universe 2016 sa tatlong oras na worldwide telecast mula sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City kahapon ng umaga, na tumapos sa 64 na taong tagtuyot ng kanyang bansa para sa prestihiyosong titulo.
Tinalo ni Iris Mittenaere, 24, ng Lille, France ang 85 iba pang mga kandidata. Ipinasa sa kanya ang korona ni Miss Universe 2015 Pia Alonzo Wurtzbach ng Pilipinas.
Si Iris ang ikalawang Miss Universe ng France. Ang una ay si Christianne Martel na nanalo noong 1953.
Pinahanga ng French beauty ang judges sa final question round at final look portion ng pageant.
Karaniwan ang final question sa kanya: “Name something over the course of your life you failed at; and tell us what you learned from that experience.”
Ang kanyang sagot: “I think that when you fail you have to be elevated and you have to try again and keep going. I think I failed before but for me this is the best opportunity.”
Naging first runner-up si Miss Haiti Raquel Pelissier at second runner-up naman si Miss Colombia Andrea Tovar.
Nabigong makapasok si Miss Philippines Maxine Medina sa Top 3 pagkatapos ng question round.
Ang mga kandidatang nakapasok sa Top 6 ay mula sa France, Kenya, Colombia, Philippines, Thailand at Haiti.
Pagkatapos ng swimsuit round, ang mga nakapasok na kandidata sa Top 9 ay mula sa USA, Thailand, France, Mexico, Kenya, Colombia, Canada, Haiti at Philippines.
Ang Top 13 ay binuo ng Kenya, Indonesia, USA, Mexico, Peru, Panama, Colombia, Philippines, Canada, Brazil, France, Haiti, at Thailand na nanalo sa online fan vote.
Umabot sa 100 milyong boto ang naitala sa limang araw na online fan voting.
Nagsimula ang prestihiyosong beauty pageant sa pagtatanghal ng American rapper na si Flo Rida habang rumarampa sa entablado ang mga kandidata na nakasuot ng evening gown at cocktail dress.
Nagbiro ang American host na si Steve Harvey na nagpaopera siya ng mata para hindi na maulit ang pagkakamali niya noong nakaraang taon.
Matatandaan na inihayag niya bilang Miss Universe 2015 si Miss Colombia Ariadna Gutierrez, sa halip na si Pia Wurtzbach.
“Pia is one remarkable woman. It’s great to see you. You were first runner-up for 28 seconds,” saad ni Harvey kay Pia nang tumuntong siya sa entablado.
Nang tanungin tungkol sa kanyang reign, ang sagot ni Pia kay Harvey: “It really exceeded my expectations. It was a remarkable year. I’ve really grown as a woman. I just signed with IMG.”
Sinabi rin ni Pia na nakalimutan niyang magpasalamat kay Harvey.”Thank you for making me the most popular Miss Universe.”
Tugon naman nito: “I wanna thank you for making me the most popular host of Miss Universe.”
Nagpahayag din si Pia na natutuwa siyang naganap ang pageant sa Pilipinas sa ikatlong pagkakataon.
“It’s really about time for the Philippines to stage it because we have so much talent and we are just waiting to be recognized. We have so much to offer and welcome everybody to the Philippines,” sabi ng German-Filipino beauty queen.
Iwinagayway ng fans ang mga bandera ng kanilang paboritong kandidata sa venue. Dakong 6:00 ng umaga, nakapila na sa labas ng MOA ang fans na manonood ng beauty pageant.
Nagsuot pa ang ibang mga tagahanga ng evening gown, korona, at sash bilang suporta sa kanilang mga idolo sa pageant.
VICTORY PRESSCON
Hindi makapaniwala si Iris Mittenaere na siya ang nanalo sa pageant.
“I wanted to cry every step but I think Miss Universe should be confident,” aniya.
Nang tanungin tungkol sa kanyang unang mensahe sa universe, saad ng bagong beauty queen: “Thank you very much. I will love this crown. I promise to be a good Miss Universe and I want to meet you all.”
Naniniwala siya na napanood sa France at Europe ang pagkakahirang sa kanya bilang bagong Miss Universe.
Ibinahagi rin niya na dalawang taon pa ang kanyang bubunuin bago siya makapagtapos ng kanyang dental surgery course.
Binabalak niya ang aktibong pagkampanya sa dental hygiene, lalo na para sa mga bata.
May height na 5’8”, sinabi ni Iris na naging abala siya sa kanyang pag-aaral sa dental surgery nitong nagdaang limang taon.
Bukod sa dental school, mahilig din si Iris sa extreme sports, pagbibiyahe sa buong mundo, at pagluluto ng mga bagong lutuing Pranses. Inilalarawan din ang sarili na funny at caring.
Inihayag ni Iris na magiging adbokasiya niya ang dental at oral hygiene na ngayon siya ay Miss Universe.
NO SHOW
Ayon kay Tourism Secretary Wanda Corazon Teo, hindi nakadalo si Pangulong Rodrigo Duterte para manood ng pageant live sa MOA dahil sa commitment nito.
Ibinahagi ni Teo na nag-enjoy siya sa panonood ng Miss Universe beauty pageant.
Nang tanungin kung nais niya ng maganap muli sa Pilipinas ang Miss Universe beauty pageant, sumagot siya ng “yes.”
“Give us two more years siguro so that we can prepare again,” aniya.
Pinasalamatan ni Miss Universe Organization President Paula Shugart sina Governor Chavit Singson at Teo para sa ikatlong matagumpay na pagho-host ng Miss Universe pageant sa Pilipinas. (ROBERT R. REQUINTINA)