30_GSW2 copy copy

46 puntos na panalo, naitarak ng Warriors sa Clippers.

OAKLAND, California (AP) — May iniindang pananakit sa kaliwang quadriceps si Stephen Curry. Ngunit, tulad ng isang magiting na Warrior, hindi ito naging balakid sa layuning pamunuan ang koponan.

Nagtumpok ang two-time MVP ng 43 puntos, kabilang ang 25 sa third period para paningasin ang opensa ng Golden State tungo sa dominanteng 144-98 panalo kontra Los Angeles Clippers sa harap nang nagbubunying home crowd nitong Sabado (Linggo sa Manila).

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Tuluyang nag-alab ang opensa ng Warriors sa naisalpak na buzzer-beating ni Curry sa pagtatapos ng second period. Sa kabuuan ng laro, naisalansan niya ang siyam na three-pointer para sa ikasiyam na panalo sa 10 laro ng Golden States.

Nag-ambag si Kevin Durant ng 23 puntos, habang kumubra si Klay Thompson ng 16 puntos. Ito ang ikawalong sunod na panalo ng Golden State laban sa karibal mula sa Southern California.

Nanguna si Blake Griffin sa Clippers sa naiskor na 20 puntos. Natamo nila ang ikaapat na kabiguan sa limang laro na wala si star point guard Chris Paul na napinsala ang kaliwang hinlalaki.

CELTICS 112, BUCKS 108, OT

Sa Milwaukee, nagsalansan si Isaiah Thomas ng 37 puntos, habang kumubra si Jae Crowder ng 20 puntos, kabilang ang free throws sa huling 28 segundo ng extra period kontra sa Milwaukee Bucks.

Nabitiwan ng Boston ang 16 puntos na bentahe sa second half at muntik nang mabalewala ang naitumpok ang 42 puntos sa first quarter, pinakamatikas ngayong season, para sa ikatlong sunod na panalo.

Hataw si All-Star starter Giannis Antetokounmpo sa Milwaukee sa natipang 21 puntos, habang nagt-ambag si Greg Monroe ng 14 puntos at 13 rebound.

HEAT 116, PISTONS 103

Sa Miami, nahila ng Heat ang winning streak sa pitong laro nang gapiin ang Detroit Pistons.

Nanguna si Goran Dragic sa naiskor na 23 puntos, habang kumana sina Wyne Ellington ng 19 puntos, James Johnson na may 18, at Dion Waiters na may 17 puntos para sa Heat.

Napantayan nila ang season high 14 3-pointer, tampok ang tatlo ni Ellington na nagawa niya sa loob lamang ng mahigit isang minuto.

Nanguna si Reggie Jackson sa Pistons sa naharbat na 24 puntos, habang nagtala ng double-double – 17 puntos at 20 rebound – si Andre Drummond.

TIMBERWOLVES 129, NETS 109

Sa Minneapolis, nagdiwang ang home crowd nang wasakin ng Minnesota TimberWolves ang Brooklyn Nets.

Kumasa si Karl-Anthony Towns sa naiskor na 37 puntos at 13 rebound, habang kumikig sina Andrew Wiggins sa 23 puntos at apat na assist, at Zach LaVine na may 20 puntos para sa ikapitong panalo ng Timberwolves sa huling 10 laro.

Nanguna si Brook Lopez sa Nets sa naiskor na 25 puntos at pitong rebound. Natamo ng Nets ang ikalimang sunod na kabiguan at ika-21 sa huling 23 laro.

KINGS 109, HORNETS 106

Sa Charlotte, N.C., pinaluhod ng Sacramento Kings, sa pangunguna ni DeMarcus Cousins na may 35 puntos at 18 rebound, ang Hornets.

Naisalpak ni Cousins ng go-ahead basket may 14.3 segundo ang nalalabi para sa dalawang puntos na bentahe. May pagkakataon ang Hornets na maaagw ang panalo, ngunit sumablay ang three-pointer ni Frank Kaminsky. Nakuha ni Cousins ang rebound at kaagad na na foul. Naisalpak niya ang isang free throw.

Nag-ambag si Darren Collison ng 17 puntos sa Kings, habang nanguna si Kemba Walker sa Hornets sa naiskor na 20 puntos.

NUGGETS 123, SUNS 112

Sa Phoenix, hataw si Danilo Gallinari sa naiskor na 32 puntos sa ikalawang panalo sa loob ng tatlong gabi laban sa Suns.

Ratsada rin si Kenneth Faried sa natipong 21 puntos at 13 rebound para sa ikatlong sunod na panalo ng Nuggets.

Pumuntos sa Suns sina Eric Bledsoe sa career-high 41 puntos at Devin Booker na may 23 puntos.

GRIZZLIES 102, JAZZ 95

Sa Salt Lake City, naitiklop ng Memphis Grizzlies, sa pangunguna ni Zach Randolph sa naiskor na season-high 28 puntos, ang Utah Jazz.

Nag-ambag si Mike Conley ng 23 puntos at tumipa si Marc Gasol ng 18 puntos.