Dumlao_PAGE 2 copy

Tumakas sa Camp Crame sa Quezon City ang police colonel na isa sa mga pangunahing suspek sa kidnap-slay ng negosyanteng Korean, matapos maunsyami ang pag-aresto sa kanya.

Sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Ronald “Bato” dela Rosa na iniutos na niya ang pagpapabalik kay Supt. Rafael Dumlao sa Camp Crame, na dapat ay may restrictive custody sa kanya, matapos makumpirmang umalis siya sa National Headquarters kahapon ng hatinggabi.

“I have instructed my men to look for him. We just want to have him under our custody and ensure that he is alive because he might end up dead because their syndicate is big,” sabi ni Dela Rosa.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Isa si Dumlao sa mga itinuturong responsable sa pagdukot kay Jee sa Angeles City, Pampanga noong Oktubre 18, 2016 at pagpatay dito sa loob ng Camp Crame, bago hiningan ng P5 milyon ransom ang maybahay ng dayuhan halos dalawang linggo matapos ang krimen.

Sinakal umano si Jee ng isa sa mga tauhan ng PNP-Anti-Illegal Drugs Group (AIDG) na si SPO3 Ricky Sta. Isabel, na nagtuturo naman kay Dumlao bilang utak ng krimen.

Ayon sa mga ulat, namataan si Dumlao na sakay sa isang taxi palabas ng Camp Crame ilang oras makaraang tangkain ng ilang operatiba ng AIDG na isilbi sa kanya ang isang arrest warrant.

Gayunman, kinuwestiyon ni Dumlao, na isang abogado, ang nasabing warrant dahil isang “Sir Dumlao” lang ang nakalagay doon.

Sinabi naman ni Dela Rosa na batay sa natanggap niyang report mula sa kanyang mga tauhan nitong Biyernes ng gabi, nakumpirmang umuwi sa bahay si Dumlao.

Dahil sa pag-alis ni Dumlao sa Camp Crame, sinabi ni Dela Rosa na maaari silang maghain ng kasong administratibo na grave misconduct under AWOL (Absent Without Official Leave) o insubordination laban kay Dumlao, at may katapat itong pagsibak sa serbisyo.

Kumpiyansa rin si Dela Rosa na hindi makaaalis ng bansa si Dumlao dahil nasa lookout bulletin ito ng Department of Justice (DoJ).

Una nang naghain ng mosyon si Senior Supt. Rodolfo Castil, Jr., hep eng Luzon Field Unit, sa DoJ upang dagdagan ang mga kinasuhan sa kidnap-slay, kabilang na si Dumlao at Gerardo Santiago, ang retiradong pulis na may-ari ng punerarya kung saan umano na-cremate si Jee.

Pinakakasuhan din ni Castil si Christopher Alan V. Gruenberg, na rehsitradong may-ari ng Nissan Exalta na isa sa mga bumuntot kay Jee, batay sa pahayag ng isa pang akusado na si SPO4 Roy Villegas.

(Aaron Recuenco, Fer Taboy at Beth Camia)