Isang hinihinalang drug pusher ang napatay matapos umanong manlaban sa buy-bust operation at nagresulta rin sa pagkakaaresto ng dalawang iba pa sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang napatay na suspek na si Mario Arante, 51, habang ang mga naaresto naman ay sina Renante Reyes, 36; at Cynthia Tiongson, 38, pawang residente ng 1447 N. Zamora Street sa Tondo.

Sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 12:30 ng madaling araw ikinasa ang buy-bust operation laban sa suspek sa loob mismo ng tahanan nito.

Nang matanggap umano ng suspek ang P200 marked money mula sa poseur buyer ay agad nang sumenyas ang mga pulis na arestuhin na ito.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Gayunman, sa halip na sumuko ay bumunot pa umano ng baril si Arante at tinangkang barilin ang mga pulis ngunit hindi tinamaan.

Dahil dito ay napilitang dumepensa ang mga pulis hanggang sa bumulagta si Arante habang naaresto naman sina Reyes at Tiongson.

Narekober sa mga suspek ang siyam na plastic sachet ng umano’y shabu at isang kalibre .38 baril. (Mary Ann Santiago)